HINDI pa tinatanggap ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ang hiling ng Philippine Basketball Association na pagbawalan ang head coach ng Cagayan-Gerry’s na si Alvin Pua na mag-coach sa mga ligang naka-sanctioned ng SBP.
Ito’y iginiit ng executive director ng organisasyon na si Renauld “Sonny” Barrios sa panayam ng programang Aksyon Sports sa Radyo Singko 92.3 News FM noong Linggo.
Matatandaan na pinagbawalan ng PBA si Pua na mag-coach sa D League pagkatapos na mapatunayang nagkasala ito sa pagsuntok sa reperi na si Ben Montero sa laro ng Rising Suns kontra Liver Marin sa Foundation Cup noong Huwebes.
“Sa ngayon, wala pa kaming tinatanggap na impormasyon mula sa PBA. Based on what I read in the media, the PBA will forward the case of Pua to the SBP. Ayaw nating manguna. Kailangan nating maghintay ng formal na endorsement from the PBA bago tayo magsimula,” wika ni Barrios. “Ang referee ng PBA D League, kanila iyun, hindi SBP. Like I said, I’d rather not talk too much about it. Kung makikisawsaw tayo, hintayin muna ang PBA.”
Ngunit kahit hindi pa tinatanggap ni Barrios ang rekomendasyon ng PBA, nalungkot siya sa insidente.
“Hindi maganda,” ani Barrios. “In any game, not just in basketball, respect and honor to game officials is sacred. But we don’t want to prejudge him (Pua). We will give him his due.” (James Ty III)