“Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya’t ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang mga tao, kundi upang iligtas ang mga ito sa pamamagitan niya.” Juan 3:16-17
Bago ako matulog, nakagawian ko na ang magpasalamat sa Diyos para sa araw na ibinigay niya sa akin. Gayun din pagkagising – pasasalamat para sa buhay at sa isa pang araw na kaloob niya sa akin. Buhay ako dahil sa grasya ng Diyos, dahil sa pagmamahal niya sa akin. Ito ang aking katotohanan at ang katotohanan ng sangkatauhan sapagkat Siya ang tunay na mayhawak ng ating buhay.
Katulad rin ninyo marahil, marami akong pagkakasalang ginawa at pinagsisihan. Maraming beses kong pinili ang mundo kaysa sa Diyos. Marami ding maling desisyon at kapalpakang nangyari sa aking buhay. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, hindi niya ako iniwan o pinabayaan. Patuloy niya akong minahal. Ito lamang ang tangi kong pinanghahawakan at ang nagbibigay sa akin ng lakas upang harapin ang bawat araw.
Ikaw ba ay dumaraan sa matinding pagsubok? Ikaw ba ay nasasadlak sa kasalanan o mga maling gawain? Hindi ka ba makawala sa mga masasakit at madidilim na bahagi ng iyong kahapon? Nawawalan ka na ba ng pag-asa dahil sa malubha mong karamdaman? Nangangamba ka ba sa kawalan ng kabuhayan at malabo mong hinaharap? Kapatid, ang Diyos lamang ang makapagbibigay ng lunas sa anumang problema mo. Tawagin mo siya. Magbalik-loob ka at manalig sa kanya dahil hindi ka niya pababayaan. Aayusin niya ang lahat, maaaring di ayon sa iyong kagustuhan, ngunit tiyak na para sa iyong kabutihan at ayon sa kanyang kagustuhan at pamamaraan.
Ang pagmamahal ng Diyos ay walang pinipili, walang hinihintay na kapalit at ibinibigay kahit sa mga hindi karapat-dapat. Ito ay para sa lahat. Lalung-lalo na para sa iyo.
(Ang PAN-BUHAY ay isang pakikipagugnayan sa pamamagitan ng panulat tungkol sa ating buhay espirituwal at sa ating Panginoon na tinatawag din nating “Ang Tinapay (Pan) na Nagbibigay-Buhay”)
ni Divina Lumina