KINOMPIRMA ng team manager ng Kia Motors na si Eric Pineda na mula sa airport ay didiretso sa Cuneta Astrodome ang head coach ng Carnival na si Manny Pacquiao upang gabayan ang kanyang koponan sa laro nila kontra Barangay Ginebra San Miguel sa PBA Governors’ Cup mamayang alas-7 ng gabi.
Darating ngayon si Pacquiao mula sa Las Vegas kung saan natalo siya kay Floyd Mayweather, Jr. sa kanilang laban noong Mayo 3.
Iginiit ni Pineda na hindi lalaro si Pacquiao at siya’y nasa bench lang ng Kia upang gabayan ang mga manlalaro niya.
“Malamang every game, siya na ang mag-command sa team,” wika ni Pineda.
Naunang kinompirma ni Pacquiao na magku-coach muna siya ng Carnival habang nagpapagaling ang kanyang inoperang balikat sa Las Vegas noong isang linggo.
“Coach lang muna ako. Hindi pa pwedeng lumaro eh. Pero lagi na akong makakasama ng team,” ani Pacquiao.
Llamado nang kaunti ang Kia dahil sa 83-78 na panalo kontra San Miguel Beer noong Mayo 6 habang may dalawang sunod na pagkatalo ang Gin Kings sa torneo kontra Alaska at Talk n Text.
Ang Kia ay pangungunahan ng dalawa nitong imports na sina Hamady N’Diaye at Jet Chang.
Sa unang laro sa alas-4:15 ng hapon, isang dating national youth player ng Japan ay magiging bagong Asyanong import ng Meralco kontra North Luzon Expressway.
Kinuha ng Bolts si Seiya Ando bilang kapalit ni Benny Koochoie pagkatapos na hindi pinayagan ng kanyang club team sa Iran na pakawalan ang huli para maglaro sa PBA.
“I think he’ll (Ando) help us. We sometimes struggle with ball pressure, so I think he’ll help us in the point guard position to allow us to be able to get to our plays easier and allow us to break the ball pressure from other teams,” wika ni Meralco coach Norman Black.
Tatangkain ng Meralco na angatin ang 2-0 na kartada nito kalaban ang Road Warriors na tinalo nila sa quarterfinals ng Commissioner’s Cup.
(James Ty III)