NAGTAYO ang isang Chinese construction company ng 57-story skyscraper sa loob lamang ng 19 araw.
Sinabi ng Broad Sustainable Building, ang Mini Sky City building sa Hunan provincial capital ng Changsha, ay may 800 apartments at office space para sa 4,000 workers.
Gumamit ang kompanya ng “modular method,” na kanilang pinagkakabit-kabit para sa istruktura sa bilis na tatlong palapag kada araw, anila.
Ang Changsha-based company ay naglaan ng apat at kalahating buwan sa pag-fabricate sa 2,736 modules bago sinimulan ang konstruksiyon. Ang unang 20 palapag ay nakompleto nitong nakaraang taon, at ang nalalabing 37 ay binuo mula Enero 31 hanggang Pebrero 17 ng kasalukuyang taon, ayon kay Xiao. Ginamit ng kompanya ang teknolohiyang ito upang mapabilis ang konstruksiyon mula dalawang palapag hanggang tatlong palapag kada araw, aniya.
Sa susunod, umaasa ang kompanya na makapag-assemble sila ng 220-floor skyscraper sa loob ng tatlong buwan sa Changsha.
(THE HUFFINGTON POST)