KINUHA ng pamahalaang lungsod ng Delhi ang kauna-unahang babaeng magiging bus driver para makatulong na makaramdam ang mga kababaihan na ligtas sila sa mga public transport sa India at bilang pagtugon na rin sa lumalaganap na public concern ukol sa sunod-sunod na mga insidente ng rape sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Nagsimula nang magtrabaho si Vankadarath Saritha, isang 30-anyos na babaeng driver mula sa Telangana, sa Delhi Transport Corporation (DTC) nitong nakaraang linggo.
Sinabi niya sa Times of India: “Hamon ito dahil hindi maganda ang reputasyon ng mga driver, pero susundin ko at ititimo sa aking kaisipan ang lahat ng alituntunin at lalo na sa kaligtasan ng kababaihan.”
Ang pagtalaga ni Vankadarath ay pinaniniwalaang makatutulong sa kampanya ng pamahalaan ng India laban sa laganap na mga kaso ng rape at sexual harassment.
Ang pananaw ng karamihan na hindi ligtas para sa kababaihan ang paggamit ng pampublikong transportasyon, simula nang ma-gang rape ang isang 23-anyos dalaga sa isang bus sa Delhi noong 2012.
Nililitis ngayon ang isang Uber driver na inakusahang gumahasa sa isang babaeng pasahero, at noong Disyembre 2014, dalawang kababaihan naman ang nabiktima ng sexual harassment mula sa grupo ng kalalakihan habang sakay ng isa rin bus.
Kinalap ni Tracy Cabrera