IPINATITIGIL nina Sen. Antonio Trillanes IV at Magdalo partylist Reps. Gary Alejano at Francis Ashley Acedillo sa Korte Suprema ang implementasyon ng K to 12 education program dahil ito’y labag sa batas.
Simple pero tumpak ang ginawang argumento ng mga dating rebeldeng sundalo nang hilingin sa Supreme Court na itigil ang K to 12, hindi kinonsulta ang lahat ng maaapektohang sektor, lalo na ang mga magulang, guro, estudyante at mga kawani ng mga paaralan.
Nakasaad kasi sa 1987 Constitution na may karapatan ang mga mamamayan at kanilang organisasyon na konsultahin at palahukin sila sa lahat ng antas ng social, political at economic decision-making.
Si Trillanes lang ang bukod tanging senador na nagbasura sa K to 12.
Ang K to 12 ay malinaw na pabigat sa mga magulang at estudyante dahil madaragdagan ng dalawang taon ang gastusan at pag-aaral, delubyo sa mga guro at kawani ng mga paaralan na mawawalan ng trabaho at dagdag na kita sa mga may-ari ng mga pribadong paaralan.
Ibig sabihin, anti-people at pro-capitalist ang K to 12, kaya tama ang diskarte ng tatlong ex-rebel soldiers na panagutin sina Executive Secretary Paquito Ochoa Jr. at Education Secretary Armin Luistro.
Bukod diyan, lalong magpapalala ang K-12 sa katiwalian na magagamit sa supply at pag-iimprenta ng mga dispalinghadong textbooks.
WALANG DELICADEZA SA KORTE SUPREMA
SA artikulo ni Maritess Vitug sa online news site ng rappler.com ay nabuko ang koneksiyon ni Makati Mayor Jun-jun Binay kay Supreme Court Associate Justice Estela Perlas-Bernabe.
Si Bernabe pa naman ang siyang naatasan ng Korte Suprema na maging ‘ponente’ para sumulat ng desisyon ng Kataas-taasang Hukuman sa petisyon ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na kumukuwestiyon sa kapangyarihan ng Court of Appeals na ipatigil ang anim na buwang preventive suspension order ng Ombudsman laban kay Binay.
Dati palang hukom ng Makati City Regional Trial Court si Bernabe habang ang tatay ni Junjun na si VP Jejomar Binay pa ang nakaupong alkalde ng siyudad.
Kay Bernabe rin nanumpa si Jun-jun Binay nang mahalal na mayor noong 2013 elections.
Pero sa kabila ng kanyang koneksiyon, hindi kasama si Bernabe sa mga mahistradong nag-inhibit sa kaso ni Binay.
Si Bernabe, base sa kanyang 2011 Statement of Assets, Liabilities and Net Worth, ay ikaapat sa pinakamayamang mahistrado ng Korte Suprema sa yaman na nagkakahalaga ng P67,101,327.
Bakit nga naman siya mahihiya sa ‘kaugnayan’ kay Binay gayong apat nga ang kanyang mga kamag-anak na nagtatrabaho sa gobyerno, ang anak na si Tricia ay Court Attorney VI sa SC; pamangkin na si Van Regine Perlas bilang Clerk Stenographer VI sa SC; kapatid na si Zoilo Perlas bilang regional director ng Comelec sa Pampanga at pamangkin na si Lionelle San Juan bilang Presidential Electoral Tribunal Chief sa SC.
Asa pa ba tayo na nasa bokabularyo ni Bernabe ang salitang delicadeza?
TANGGAPIN ANG PAGKATALO
JUN (Canumay, Valenzuela City) – “Si Pacman po ay wala naman pong duda na napaka-galing na boxer. In fact, nahahanay na po siya sa lahat ng magagaling na boxer, buhay man o patay. Pero dapat ay aminin niyang siya ay natalo ni Mayweather, wala na pong excuses. Saka dapat, mag-stick na po siya du’n sa ginagawa niya, kung boxing, ‘yun na lang. After ng panunungkulan niya as congressman, ‘wag na siyang tumakbo uli. Umalis na din siya sa PBA, kasi ‘pag naglalaro siya, pinagtatawanan siya ng mga audience. ‘Wag na din siyang mag-preach, kasi hindi naman niya maawat si Mommy D. du’n sa pakikipag-live-in du’n sa batang BF n’ya, kasi nangangaral siya ng mga salita ng Diyos pero taliwas naman ‘yung pinaggagagawa ni Mommy D. Sabi nga po sa Bible, hindi tayo maaring magsilbi sa 2 panginoon. Salamat po at more power po sa napakalawak na programa n’yong KATAPAT sa Radio DWBL-1242 Khz.” <09289914…/May 5>
***
DONALD (Tondo) – “’Yang mga idiot na Pilipino na maiingay na ayaw tumanggap ng pagkatalo at kadalasan ay pahamak pa dito sa ating bansa. Dapat sila ang ma-lucky punch para tumino na mga pag-iisip ng mga kumag na ‘yan.” <09196654…/May 5>
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
ni Percy Lapid