MARAMI ang desmayado ngayon kay Manny Pacquiao dahil mukhang mas pinili niya ang sa-lapi kaysa karangalan ng bayan. Ito ay matapos siyang magpasya na ituloy ang laban kay Floyd Mayweather kahit na may iniinda pala siya sa kanang balikat na nagpababa sa kalidad ng kanyang mga kilos noong gabi ng laban. Iyon din ang naging dahilan para maging harang ang tinaguriang “fight of the century.”
Dahil sa inis ng mga taong nakasaksi sa walang kuwentang laban ay marami rin pumuna kay Pacquiao sa social media at ay may mga ilan na naghain pa ng “class suit” sa hukuman sa U.S. na nag-aakusa ng “fraud” o panloloko laban kanya. Anang mga nagdemanda, niloko sila ni Manny dahil hindi ipinaalam ng Pambansang Kamao na may iniinda pala siya kaya ang mga umano’y naloko napabili ng pay per view sa cable television, entrance ticket sa boxing arena o di kaya’y nakipagpustahan sa iba.
Ganito rin ang buod ng posisyon ng Nevada Athletic Commission (NAC) na siyang may kinalaman sa mga paligsahan na ginaganap sa Las Vegas, kabilang na ang boksing. Ibig nilang ipaliwanag ni Pacquiao, sa lilim ng banta ng demandang “perjury” o pagsisinungaling, kung bakit isang gabi bago ang laban ay itinanggi niya sa isang opisyal na questionnaire ng NAC na siya ay may nararamdaman sa kanyang kanang balikat. Ang pagtatanong ay ginagawa ng NAC upang matiyak ang kaligtasan ng mga boksingero o manlalaro.
Itinanggi ni Pacquiao na sinadya niyang ilihim ang kanyang kondisyon. Isang alalay na ang umako ng pagkakamaling iyon sa NAC.
Gayon man ay marami pa rin ang may suspetsa na kung sinabi ni Pacquiao ang kanyang iniinda sa NAC ay maaring ipinagpaliban ang laban sa loob nang siyam na buwan o hanggang sa siya ay tuluyang gumaling.
Anila, malaki siguro ang pangangailangan ni Pacquiao o ng kanyang mga promoter kaya hindi sila nagtapat kaugnay ng iniinda niya, dangan nga naman kasi sigurado nang 80 milyong dolyar na kikitain nila sa laban na iyon.
Kung totoong ang laban na iyon ay para sa ating mga Pilipino at hindi para sa bulsa lamang ni Pacquiao at mga promoter niya, dapat ay ina-min ni Manny ang nararamdaman at humingi siya ng pagpapaliban ng laban hanggang siya ay gumaling. Matagal nang boksingero si Pacquiao kaya tiyak ko na alam niya ang patakaran. Ang tamang panahon na harapin si Mayweather ay ‘yung kung kailan 100 porsyento ang kanyang lakas at kalusugan at hindi habang may iniinda siya.
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring pumunta kayo sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subd. Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City, Laguna. Malapit lamang sa Kalakhang Maynila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Magpadala ng mensahe sahttps://www.facebook.com/privatehotspringresort?fref=ts para sa karagdagang impormasyon o reserbasyon.
ni Nelson Forte Flores