“Ako ang tunay na puno ng ubas at ang aking Ama ang tagapag-alaga. Inaalis niya ang bawat sangang hindi nagbubunga, at kanyang pinuputulan at nililinis ang bawat sangang nagbubunga upang magbunga pa nang lalong sagana. Nalinis na kayo sa pamamagitan ng salitang sinabi ko sa inyo. Manatili kayo sa akin at mananatili din ako sa inyo. Hindi magbubunga ang sangang hindi nananatili sa puno. Gayundin naman, hindi kayo magbubunga kung hindi kayo mananatili sa akin. Ako nga ang puno ng ubas at kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin at ako sa kanya, ang siyang nagbubunga nang sagana, sapagkat wala kayong magagawa kung kayo’y hiwalay sa akin.” Juan 15:1-5
Anumang appliance o gadget, kahit na bago o mamahalin, ay walang silbi at hindi kapaki-pakinabang kung walang baterya o koneksyon sa kuryente. Ang Facebook, E-mail, Instagram, Twitter at iba pang mga makabagong pamamaraan ng komunikasyon ay walang saysay kung walang koneksyon sa wi-fi o internet. Ganito rin ang mangyayari sa atin kapag wala tayong konekyon kay Hesus na ating Panginoon. Ayon sa Kanya, “Ang nananatili sa Akin at ako sa kanya, ang siyang nagbubunga ng sagana, sapagkat wala kayong magagawa kung kayo’y hiwalay sa akin”.
Ano nga ba ang ibig sabihin ng “manatili kay Hesus”? Ayon kay Pope Francis, ang manatili kay Hesus ay ang paggawa ng mga ginawa ni Hesus at ang pagkakaroon ng ugali niya. Kapag tayo’y nagtataboy o nagpapalayas ng iba, kapag tayo’y nagtsitsismis, hindi tayo nananatili kay Hesus sapagkat hindi niya kailanman ginawa ito. Gayun din kapag tayo ay nagsisinungaling, nagnanakaw o nandadaya. Lahat ng ito ay naghihiwalay sa atin sa Panginoon.
Sa kabilang banda, ang paggawa ng mabuti, ang pagtulong sa kapwa, ang pagdarasal sa ating Ama, ang pag-aalaga sa mga maysakit, pagtulong sa mga mahihirap at ang pagkakaroon ng ligaya ng Espiritu Santo ay mga ginawa at inugali ni Hesus. Ang mga ito ang magbibigay ng koneksyon at magpapanatili sa atin sa Kanya.
Sa mga pagkakataong tayo’y nakapag-iisa, mahalagang itanong natin sa ating sarili: May koneksyon ba ako kay Hesus at nananatili sa Kanya? Sa aking mga ginagawa, ako ba ay malapit o malayo sa Kanya? Nagbubunga ba ako nang sagana o para ba akong isang patay kahit na naturingang may buhay pa? Anuman ang dinadaanan, mahalagang manatili kay Hesus, ang pinanggagalingan ng lahat ng buhay at saganang pamumunga.
(Ang PAN-BUHAY ay isang pakikipagugnayan sa pamamagitan ng panulat tungkol sa ating buhay espirituwal at sa ating Panginoon na tinatawag din nating “Ang Tinapay (Pan) na Nagbibigay-Buhay”)
ni Divina Lumina