MAAARING maharap sa disciplinary action ang Pambansang kamao dahil sa pagkabigong ipaalam ang kanyang shoulder injury bago lumaban kay udisputed pound-for-pound welterweight king Floyd Mayweather Jr.
Ito ang nabatid mula sa mga opisyal ng Nevada Athletic Commission, na nagsabing dapat ay ipinagbigay-alam agad ni Pacquiao upang nagawan ng nararapat na aksyon.
Ayon sa chairman ng nasabing komisyon na si Francisco Aguilar, sisiyasatin ng state attorney general’s office kung bakit nag-check si Pacman ng ‘no’ bago ang binansagang mega-fight of the century sa commission questionnaire na itinatanong kung mayroon si-yang shoulder injury.
“Kakalapin namin ang mga datos at susundan ang mga kaganapan,” ani Aguilar.
“Sa isang punto, pag-uusapan namin ito. Bilang lisensya ng komisyon, nais siyempreng matiyak na ang mga fighter ay nagbibigay ng up-to-date information.”
Posibleng maharap si Pacquiao sa pagmumulta o suspensiyon sanhi ng hindi pagsagot ng tapat sa katanungan sa form na kanyang sinagutan bago ang weigh-in ng Battle For Greatness.
Samantala, inihayag naman ni orthopedic surgeon Dr. Neal ElAttrache sa ESPN.com na sasailalim si Pacquiao sa surgery para bigyan ng lunas ang ‘significant tear’ sa kanyang rotator cuff kaya maaaring maratay nang hindi bababa sa siyam na buwan hanggang isang taon.
Ineksamin ni ElAttrache ang People’s Champ sa kanyang tanggapan sa Kerlan-Jobe Orthopaedic Clinic sa Los Angeles.
Kinalap ni Tracy Cabrera