KADALASAN, pagkatapos na magkampeon ang isang koponan sa isang torneo ay huli itong nagpupugay sa susunod na conference. Binibigyan ito ng sapat na panahon upang makapaghanda lalo’t may import.
Pero teka, bakit dito sa kasisimulang PBA Governors Cup ay mas mauunang maglaro ang Talk N Text kaysa sa Rain Or Shine?
Kung magugunita, ang Tropang Texters ang siyang nagkampeon sa nakaraang Commissioner’s Cup kung saan tinalo nila ang Elasto Painters, 4-3.
So, ‘di ba dapat na Rain Or Shine ang mas maunang maglaro kaysa sa Talk N Text?
Ang siste’y itinapat kaagad ang Tropang Texters sa crowd-favorite Barangay Ginebra sa Linggo kung saan magkikita sila sa ganap na 5:15 pm sa Smart Araneta Coliseum.
Sa Martes pa lalaro ang Rain or Shine kontra San Miguel Beer sa Mall of Asia Arena sa ganap na 7 pm.
Well, naintindihan naman natin kung bakit nauna agad ang Talk N Text.
Kasi, maganda kaagad ang katapat nila at Linggo pa. So siguradong mapupuno ang Big Dome.
Mabuti at pumayag ang Talk N Text sa isinusog na schedule na ito.
Kasi, sa totoo lang baka madehado sila kontra sa Gin Kings. Mahaba ang naging pahinga ng mga ito. Nagpalit pa ng coach.
At iyon ang isa sa mga magandang sidelights.
Kasi si Frankie Lim na ang head coach ng Gin Kings. Matatandaang si Lim ay dating team manager ng Tropang Texters.
At si Talk N Text coach Joseph Uichico ay dating coach naman ng Barangay Ginebra.
So, tiyak na maganda ang istorya.
Kaya naman dadayuhin ang larong ito!
ni Sabrina Pascua