Ikinabubuhay niya sa araw-araw ang pagtitinda sa Blumentritt ng mga itak, sundang at kutsilyong pambahay.
Sa pakikipanuluyan sa pamilya ni Mang Berto, pinakisamahan niya ang lahat ng mga kasambahay roon. Nakatuwang siya sa mga gawain ng asawa ng kanyang tiyuhin na si Aling Azon; tagapaglampaso ng bahay, tagapag-alaga ng mga pananim sa loob ng bakuran at nagiging kusinero paminsan-minsan. Tinulungan din niya sa mga gampanin ang binatilyong si Boknoy, ang bunso sa tatlong anak nina Mang Berto at Aling Azon. Naroroong manguha siya ng panggatong sa bukid, mag-igib ng tubig sa ilog at magpakain sa mga alagang baboy. At naging kasama-kasama siya sa pangingisda ni Mang Berto.
“Maghanda-handa ka na, ‘Noy… Pa-maya-maya lang, e papalaot na tayo,” paalala kay Karlo ng kanyang tiyuhin.
Palibhasa’y batang-kalye ng Blumentritt, napakisamahan din ni Karlo ang bawa’t isa sa komunidad nina Mang Berto. Nakikiumpok siya sa inuman ng mga tagaroon. Naki-tagay rin sa mga sundalo ng gobyerno na pumaparoon. Pati sa mga “taong tagalabas” na nakikisalamuha sa taumbayan.
“’Yan palang si Karlo ang bunsong anak ng kapatid mong si Antonio. At sa Maynila pala naninirahan…” pag-uusisa ni Mang Kanor, kasamahang magdaragat ni Mang Berto.
“Nawalan ng trabaho sa Maynila, e… ‘Pag nagkataon, baka dito na ulit magpirmi ang batang ‘yan,” ang nasabi ng tiyuhin ni Karlo.
“Maraming magagandang kadalagahan sa atin… Naku, t’yak na mawiwili ‘yan dito,” tawa ni Mang Kanor.
“Bagay ang pamangkin ko sa dalaga mo, Pareng Kanor,” ngiti ni Mang Berto.
“Binata ba ang manok mo?” pagtataas-kilay ni Mang Kanor.
“Binatang-binata, Pareng Kanor…At pogi!” pagmamalaki ni Mang Berto.
“Aba, oy, Pareng Berto! Magayon naman ang anak kong si Jasmin, a…” bulalas ni Mang Kanor kay Mang Kanor.
“Ibig sabihin, match na match ang pa-mangkin ko at ang anak mo…” pakikipag-apir ni Mang Berto kay Mang Kanor.
Ang hindi alam ng dalawang matandang lalaki, matagal nang pinopormahan ni Karlo si Jasmin. Textmate pa nga niya ang dalaga. At malapit pa nga ang kalooban nito sa kanya.
(Itutuloy)
ni Rey Atalia