PINIGIL ng mga ahente ng Bureau of Customs (BoC) ang isang dayuhan na hinihinalang bigtime drug trafficker sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA) kamakalawa.
Ang suspect na kinilalang si WOK IEK MAN, residente ng Macau Administrative Region ng China, ay duma-ting nitong Lunes ng tanghali sakay ng flight 5J 241 mula Hong Kong.
Nasabat sa kanya ang isang kahon na naglalaman ng tatlong kilong powder at crystal substance ng mga ahente ng Enforcement and Security Service (ESS) ng Customs na nakatalaga sa Cebu.
Dinala ang sample ng nasabat na powder pero lumabas na negatibo sa isinagawang laboratory test ng Philippine Drug Enforcement Administration (PDEA), taliwas sa suspetsang ito ay mga ipinagbabawal na droga.
Pero hindi po riyan nagtatapos ang nakamamanghang kuwento.
Lusot man siya sa ilegal na droga, may kahindik-hindik namang nadiskubre ang mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI-Cebu) na lubhang ikinagulat nila sa nabanggit na dayuhan.
Base sa record ng BI, ang nabanggit na dayuhan ay napag-alaman na “na-exclude” o ipinatapon palabas ng bansa noong January 12, 2015 sa hindi pa batid na kadahilanan.
Makalipas ang dalawang araw, January 14, 2015, inilagay ng BI ang kanyang pangalan sa blacklist order o talaan ng mga dayuhan na hindi pwedeng makapasok sa bansa.
Napakamot ng ulo ang mga BI personnel nang ipagmalaki sa kanila ng dayuhan na “lifted” na ang blacklist order laban sa kanya noong nakaraang buwan.
Ang passport na gamit ng dayuhan ay tadtad ng tatak ng paglabas-pasok niya sa bansa.
Hindi lang natin alam kung nakapaglabas-pasok ang damuhong dayuhan habang umiiral pa ang blacklist order laban sa kanya.
Sa madaling sabi po, tatlong buwan pa lang ay naisyuhan na ng lifting order ang mapalad na dayuhan.
Wala kayang balak si Justice Secretary Leila De Lima na alamin kung kailan pa nasimulan at naitatag ang “lifting express lane” sa BI?
Nasisiguro natin na dadagsa ang mga dayuhang blacklisted na makapag-avail ng kaparehong pribilehiyo na tinatamasa ni Wok Iek Man kapag napabalita ito.
Magkano naman kaya ang magagasta ng isang dayuhang blacklisted sa bansa para sa ‘express’ lifting ng Blacklist order laban sa kanya?
Sa pagkakaalam namin, isang taon ang itatagal bago makapag-apply ng “lifting” ang sinomang dayuhan na nasa blacklist order ng BI.
Commissioner Siegfred B. Mison, pakipaliwa-nag nga kung paano nabakbak ang pangalan ng dayuhang ito sa blacklist order ng BI nang wala pang isang taon?
Ang secret na pwede raw magamit bilang rason sa pag-avail ng express accommodation ng lifting order sa BI ay “humanitarian, economic and political reason.”
MAHILIG SA “JVA” SI VP JOJO BINAY
ILANG beses nang nabulgar sa Senate investigation na ang mga maanomalyang JVA na pinasok ni Vice President Jejomar Binay bilang alkalde ng Makati City at pangulo ng Boy Scouts of the Philippines (BSP) ang naghatid sa kanyang personal na kaban ng daan-daang milyones hanggang bilyones na piso.
Nariyan ang P200-M mula sa JVA ng Alphaland at BSP para sa development ng lupaing pagmamay-ari ng BSP sa Malugay St., Makati City.
Kahapon lang ay isiniwalat naman ang kuwestiyonableng JVA na pinasok ni Binay sa STI para sa pagtatayo ng University of Makati-College of Nursing gayong hindi naman ito kaila-ngan.
Baka nalilito na si Binay kung ano ba talaga ang papel niya sa mundo, opisyal ba ng gobyerno o kapitalistang edukador, haciendero, real estate magnate?
Wala ba siya talagang kinikilalang batas at ni hindi tinatablan ng mga eskandalong kinasasangkutan at patong-patong na plunder case?
Hindi kaya siya nabubusog o nakokontento at gusto pa niyang asintahin ang Palasyo para maki-pagkutsabahan sa China?
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
ni Percy Lapid