DAPAT sigurong mag-isip-isip na itong si Pangulong Noynoy Aquino at tuluyan nang ilaglag si Interior Secretary Mar Roxas. Hindi na dapat magdalawang-isip itong si Pnoy, at kaagad na kombinsihin si Mar na tumakbo na lang bilang vice president sa 2016 elections.
Paano ka ba naman makikipagsapalaran dito kay Mar. Walang kapana-panalo kahit saan anggulo man ito tingnan. Bukod sa konyo, ilustradong-ilustrado ang dating ni Mar. Walang konek sa masa at parang sirang plaka kung magsalita sa harap ng media. Patunay ang mga survey na naglalabasan na si Mar, kung tatakbo bilang presidente, ay mangungulelat lang.
Sa pagtatapos ng termino ni PNoy, tiyak na kabi-kabilang kaso ang isasampa laban sa kanya, Nanggagalaiti ang mga political enemies ni PNoy at lahat ay umaasa na tulad nina dating President Joseph Estrada at President Gloria Arroyo, sa Veterans Memorial Medical Center din ang kababagsakan ng kasalukuyang presidente.
Ito ang dapat na pag-isipang mabuti ni PNoy. Kailangan niya ng isang kaalyadong presidente na mananalo sa 2016 para makatiyak na ‘di sa VMMC ang kanyang bagsak.
Makasisiguro si PNoy na makahuhulagpos siya sa kanyang problema kung ang pipiliin niya si Senador Grace Poe. Kung tatakbo kasi si Poe tiyak ang panalo nito. Pero may problem pa rin si PNoy, kasi kung mananalo, baka mismong si Poe ang magpakulong sa kanya.