May sumagi sa lalaking bumibili ng prutas sa pamilihan ng Blumentritt. Nadakma nito ang kamay ng mandurukot sa likurang bulsa ng pantalon. Mahigpit na pinigilan iyon.
“Gago ka, a!” sigaw ng lalaki sa panununtok.
Tinamaan sa panga ang mandurukot na sumubasob sa bilao ng mga paninda ni Karlo.
“Astig ka, ha?” sabi ng galit na tirador.
At ipinangsaksak ng kawatan ang ma-kisap na kutsilyong inilalako ni Karlo sa lalaking pumalag sa pandurukot .
Sapol sa dibdib ang biktima. Sumirit ang masaganang dugo sa kanyang sugat. Nalugmok ang biktima sa sementadong kalsada at kumisay-kisay.
Napasigaw sa pangingilabot ang mga nakasaksi sa pangyayari:
“Ay! Sinaksak!”
“Saklolohan n’yo ‘yung mama!”
“Patay… Patay na!”
“Tumawag kayo ng pulis!”
Agarang nagresponde ang pinakama-lapit na himpilan ng pulsiya sa pinangyarihan ng krimen. Pero nakapuslit na ang kri-minal.
“Kilala n’yo ba ang suspek?” tanong ng imbestigador sa mga vendor.
Iling ang naging tugon ng mga saksi.
“Namukhaan ba ninyo?” usisa pa ng pulis.
Nag-ilingan ulit ang mga sidewalk vendor.
Takot na masangkot sa problema, palihim na umiskyerda si Karlo palayo ng Blumentritt. Nagpahatid siya sa tricycle driver sa inookupahang silid-paupahan sa bisinidad din ng Sta. Cruz, Maynila.
Mabilisan siyang nag-impake ng ilang pirasong damit at mga personal na gamit. Wala siyang pinagsabihan sa lugar na pupuntahan. Kahit nga sa kadikit na kababatang vendor sa Blumentritt ay naging tikom ang bibig niya.
“Sa’n ang bakasyon, Karl?”
“Sa isang kamag-anak, Pards …”
“Sa probinsya n’yo, Karl?”
“Sa tabi-tabi lang…” ngiti niya sa pagpapatay-malisya.
Kinabukasan lang, agad nagsadya sa tirahan ni Karl ang mga tauhan ng pulisya.
“Iimbitahan lang sana namin siya sa presinto. Sa kanya kasi ang kutsilyong ipinanaksak ng suspek sa biktima,” ang katwiran ng team leader ng mga pulis na naghanap kay Karl. (Itutuloy)
ni Rey Atalia