MALAYA ang bawat isa para magpahayag ng opinyon sa laban ngayon, lalo na kung patungkol sa unbeaten American champion Floyd Mayweather Jr. ngunit malaking kasalanan para sa mga Pinoy, lalo na rito sa Kamaynilaan, na magsabi o magparamdam na maaaring matalo ang Pambansang Kamao Manny Pacquiao sa pagharap niya kay Mayweather ngayong umaga.
Sa Malate, nakita kung paano nawalan ng suki ang isang tindera ng balot dahil nagpahiwatig siya ng pagdududang kayang manalo ni Pacquiao.
Ang totoo, marami ang naniniwalang ang kanilang idolo ay hindi puwedeng matalo dahil nasa panig niya ang Panginoong Diyos.
Pero ito nga kaya ang mangyari—kasihan siya ng Espiritu Santo sa oras ng ma-tinding hamon?
Maraming mga Pinoy na panatikong fan ni Pacman ang hindi matitinag kung muling sasalantahin ng isa pang super typhoon pero imposible para sa kanilang isipin na matatalo ang People’s Champ.
“Paano mangyayari iyon?” tanong ni Kirk Magsumbol, may-ari ng bakery sa Leveriza Street malapit sa San Andres public market.
Sa isip niya preparado ang Pinoy boxing icon kaya magagawang talunin ang nagmamayabang na Amerikanong pound-for-pound king.
Tiyak naman ng negos-yanteng si Norman Cordon na mananalo si Pacquiao dahil sa kanyang bilis at lakas. Dangan nga lang ay kaila-ngan umanong mag-ingat ang kinatawan ng Sarangani dahil baka matsambahan siya gaya nang nangyari sa laban niya kay ‘El Dinamita’ Juan Manuel Marquez.
Mahirap pagdudahan ang mga pahayag ng mga tagasuporta ng Pambansang Kamao. Nananatili ang malaking katanungan kung manalo kaya si Pacman kung hindi niya mapabagsak o mapatulog si Mayweather?
Ang mismong Hall of Fame trainer ni Pacquiao na si Freddie Roach ay nagbago ng patutsada mula sa si-guradong knockout ay ma-aari rin daw magwagi ang People’s Champ sa pamamagitan ng desisyon o puntos Anoman ang mangyayari ngayon, sabik ang milyon-milyong Pinoy na patigilin ni Pacman ang pamosong katunggali at wakasan ang katanungan kung sino sa kanila ang tunay na hari ng ring.
ni Tracy Cabrera