Ipapalabas ng ABS-CBN and “ Battle For Greatness: Pacquiao vs Mayweather” sa Channel 2 sa Linggo, Mayo 3, mula ika-9 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon upang bigyan ng pagkakataon ang mga Kapamilyang mapanood ang sagupaan ng magkaribal na boksingero.
Ang pag-ere ay sasamahan ng isang pre-fight show na pinamagatang “Isang Bayan Para Kay Pacman,” simula 9 ng umaga.
Ang laban sa Linggo ang isa sa pinakamalaki sa kasaysayan, lalo na sa Pilipinas nang tumapak sina Muhammad Ali at Joe Frazier para sa “Thrilla in Manila .” Limang taon na rin ang nakalilipas nang simulan ang usapan tungkol sa bakbakan ng dalawa sa pinakasikat na pangalan sa larangan ng boksing. Kulang-kulang $200 milyon ang premyong nakataya at hindi pa kasama ang makukuhang kolekta sa pay-per-view. Itataya ni Pacquiao ang kanyang dangal bilang mandirigmang Pinoy, na sinusuportahan ng higit-kumulang 100 milyon na Pilipino. Bitbit din ni Pacquiao ang kanyang 57-5-2 na kartada na may 38 knockouts pagtungtong niya sa ring ng MGM Grand. Si Mayweather naman ay papatunayang siya ang “The Best Ever” sa larangan ng boksing at itataya ang kanyang malinis na 47-0 na record.
Lahat ay tututok kay Pacquiao na sinasabing naibalik na ang kanyang “killer instinct” at excited na makaharap ang Amerikano mula nang ito’y pumirma na rin sa wakas sa kanilang kontrata.