INIIDOLO si Manny Pacquiao ng milyon-milyong Pinoy dahil sa kanyang husay sa boxing at bilang simbolo ng pag-asa.
Kilala siya bilang Pambansang Kamao ng kanyang mga kababayan at haharap siya sa undefeated American boxer Floyd Mayweather Jr., sa Mayo 2 (Mayo 3 PH time) para wakasan ang katanu-ngan kung sino sa kanilang dalawa ang tunay na ‘pound-for-pound’ king ng mundo.
At para sa halos 100 mil-yong Pinoy, si Pacquiao, na may hawak ng walang kapantay na walong world championship sa walo rin weight division, ay pambansang simbolo ng sambayanan, buhay na patunay na posible ang tagumpay kung magpupunyagi, magsisipag at magpupursigi nang may pananalig sa Panginoong Diyos.
Si Pacquiao ang top taxpayer noong 2013, at inilista siya ng Fortune magazine bilang ika-11 sa mga best-paid sportsman ng mundo noong 2014 sa kinita niyang US$41.8 milyon.
Isa siya rin halal na miyembro ng Kamara de Representante bilang kinatawan ng lalawigan ng Sarangani bukod sa pagiging Christian preacher, professional basketball player at coach sa Philippine Basketball Association (PBA), at celebrity endorser para sa iba’t ibang mga produkto mula sa mga mikropono sa karaoke hanggang sa mga pizza, beer at kotse.
Saksi rin ang kanyang mga kaibigan sa pagiging mapagbigay at bukas-palad ng Pambansang Kamao, na laging handang tumulong sa mahihirap at inaapi.
Sa katunayan, may ilang mga Pinoy ang nais siyang maging pangulo, isang bagay na inamin din ni Pacquiao na kanyang ikinokonsidera. Eligible siyang tumakbo kapag nag-40 na siya, na panahon din ng kanyang pagretiro.
ni Tracy Cabrera