NGAYON mainit mang magkaribal para sa korona ng pound-for-pound king sa mundo, dating sumuporta kay Manny Pacquiao ang kanyang katunggali sa Mayo 2 (Mayo 3 PH time) na si Floyd Mayweather Jr.
Nakuha ang atensyon ng halos buong daigdig para sa ‘Battle for Greatness’ ng da-lawang kampeon sa MGM Grand Garden Arena sa Laas Vegas, ngunit noong Enero 21, 2006, malakas ang mga sigaw ni Mayweather para sa Pambansang Kamao nang haraping muli ng Pinoy boxing icon si ‘El Terible’ Erik Morales ng Mexico sa kanilang rematch sa super featherweight title sa Thomas & Mack Center doon din sa Las Vegas.
Nang oras na iyon, kasisimula pa lang paghandaaan ni Mayweather ang kanyang laban sa welterweight kontra kay Zab Judah noong Abril 6, 2006, at nang mga panahong iyon ay walang nakaisip na magkakaroon ng Mayweather-Pacquiao mega-fight, bukod pa sa pagiging highest-grossing fight of all-time nito.
Maghaharap sa Sabado (Linggo sa Pilipinas) ang dalawang kampeon para sa pag-iisa ng welterweight title na nakapagtakda ng kakaibang financial records.
Inaasahang makatatanggap si Mayweather ng hindi bababa sa US$180 milyon at maaaring humigit pa ito sa US$200 milyon matapos pumasok ang proceeds ng pay-per-view sales ng laban.
Ayon kay Leonard Ellerbe, chief-executive-officer ng Mayweather Promotions, hindi pa nadedetermina kung ano ang garantiya kay Mayweather, pero maaari siyang tumanggap ngayong Sabado ng mahigit US$80 milyon.
Sa kabilang dako, may garantiya na si Pacquiao para sa US$50 milyon, ngunit inaasahang makatatanggap siya ng US$25 milyon nga-yon ding Sabado. Ang iba pang kikitain niya ay magmumula sa pay-per-view para umabot ito ng mahigit sa US$100 milyon.
(Tracy Cabrera)