BAKIT three-point shot? Bakit hindi drive?
Iyon ang naging katanungan ng mga fans patungkol sa tira ni Paul Lee sa huling dalawang segundo ng unang overtime period ng Game Seven ng Finals ng PBA Commissioners Cup noong Miyerkoles.
Tabla kasi ang score, 106-all at nasa Rain Or Shine ang huling opensiba.
Well, hindi rin naman puwedeng sisihin si Lee dahil mainit naman siya sa larong iyon kung saan nagtapos siya nang may anim na three-point shots. At wala namang garantiya na tatawag ng foul ang referee sa dying seconds. Kasi, tiyak na ang magiging mentality ng mga referees ay “ Let the players win the game on their own.”
Baka nga naman masabing may kinilingan, e.
So, wala nga namang diperensiya sa three-point shot at sa drive. Kung pumasok ang tres ni Lee, aba’y kampeon ang Rain Or Shine.
Kaso mo’y nagmintis.
Nagkaroon ng ikalawang overtime period kung saan pumutok si Ranidel de Ocampo ay gumawa ng unang walong puntos ng Talk N Text. Doon ay naidikta ng Tropang Texters ang laro hanggang sa tuluyang magwagi upang maibulsa ang ikapitong kampeonato sa kasaysayan ng prangkisa.
Sa hirap ng inabot ng dalawang koponan, aba’y alinman sa kanila ang magkampeon ay talagang deserving.
At sa awarding ceremonies nga ay pinasalamatan ni Talk N Text team owner Manny Pangilinan ang Rain Or Shine sa ibinigay nito na magandang laban.
Sino ba naman ang nag-akalang aabot sa Game Seven ang lahat?
Sino ba naman ang nag-akalang aabot sa dalawang overtime period ang lahat?
ni Sabrina Pascua