Umugong ang tawanan sa paligid.
“Hambog!” patungkol naman ni Joe kay Victorious Victor. “Inuuna niya ang daldal… Harapin muna n’ya ako sa loob ng boxing arena at patunayan na totoong mas magaling siya sa ‘kin,” dagdag na pahayag niya sa media.
Pinalakpakan siya ng mga tagahanga at supporters.
Tamemeng-tameme ang trainer-coach ni Joe.
“Ano’ng masasabi mo?” naitanong ni Mr. Roach.
“Mukhang dehado ang bata natin,” pagtatapat ng trainer-coach ni Joe.
Walang ano mang naging ekspresyon sa mukha ni Mr. Roach. Pero sa sulok ng mga labi nito ay naroroon ang isang tagong-tagong ngiti.
“Kung tatalunin man si Joe ni Victorious Victor, e hindi ako dapat madamay…” bulong niya sa sarili.
Dumating ang araw ng “Fight of the Century.” Sabi nga, hindi mahulugang-karayom ang Caesar’s Palace sa dami ng tao. Ubos ang tiket. Excited ang lahat na mapanood ang pinakaaabangang Bulldoze Joe – Victorious Victor fight. Kasado na ang pustahan ng mga sugarol sa loob at labas ng coliseum. At nakapusta na si Mr. Roach nang doblado pabor Kay Victorious Victor. Tumaya ang tusong manager ni Joe sa kanyang katunggali.
Pero wala pa si Victorious Victor gayong halos wala nang isang oras ang nalalabi sa pa-kikipagharap kay Bulldozer Joe. Pinagpapa-wisan nang malapot ang mga promoter ng boxing.
Pati naman ang kampo ni Victorious Victor ay hindi makakontak sa cellphone niya. Walang masabi ang coach-trainer at ang staff kung nasaan na ito nang mga sandaling iyon. At inip na inip na lahat para sa pinaleng pagpapatimbang ni Victorious Victor.
Sa labas ng Caesar’s Palace, isang humahagibis na kotse ang biglang huminto sa tapat ng boxing stadium. Umibis doon si Victorious Victor. Pumuwesto ito malapit sa entrance ng Caesar’s Palace. Ordinaryong puting t-shirt lamang ang suot nito. Pero mababasa sa kulay pulang mga letrang nakatatak roon: “No To Boxing!” At ang panawagan sa buong mundo ng boxer na dapat sanang makasagupa ni Bulldozer Joe:
“Wakasan na ang malupit at madugong sports!”
Kung may kinalaman man sa pagkamatay ni Strotsky sa ibabaw ng ring o kung ano pa man ang tunay na dahilan sa biglaang pag-atake ni Victorious Victor sa boksing na tinawag niyang “barbarous sports” ay walang nakaaalam. Pero isang araw ay tiyak na mahahayag din iyon… (Wakas)
ni Rey Atalia