NAGKAROON ng sabit ang Kia Motors sa kampanya nito sa PBA Governors’ Cup dahil nakatakdang bumalik sa Puerto Rico ang import ng Carnival na si PJ Ramos.
Ayon sa ahente ni Ramos na si Sheryl Reyes, may kontrata pa ang higanteng import sa isang liga sa Puerto Rico at nakapaglaro lang siya sa PBA dahil off-season ang nasabing liga.
Nag-average si Ramos ng 36 puntos at 21 rebounds para sa Kia sa Commissioner’s Cup kung saan nagtala ang Carnival ng apat na panalo.
Naunang kinuha ng Kia bilang Asyanong import si Jet Chang ng Chinese-Taipei.
Sa kaugnay na balita, kinuha ng Barako Bull ang 7-2 na si Liam McMorrow bilang kapalit ni Solomon Alabi samantalang ang dating Indiana Pacer na si Orlando Johnson ay magiging import ng Barangay Ginebra San Miguel katambal ang taga-Mongolia na si Sanchir Tungala.
Lalaro bilang mga imports ng Globalport sina dating Golden State Warrior Patrick O’ Bryant at ang taga-Palestine na si Omar Krayem habang sina Rob Jones at taga-Syria na si Michael Madanly ay kinuha naman ng North Luzon Expressway.
(James Ty III)