May nagsasabi, “Malaya akong makakagawa ng kahit ano,” ngunit ang sagot ko naman ay, “Hindi lahat ng bagay ay nakakabuti”. Maaari ko ring sabihin, “Maaari akong gumawa ng kahit ano,” ngunit hindi ako magpapaalipin sa anumang bagay. Ang katawan ay hindi para sa pakikiapid sapagkat ito’y para sa paglilingkod sa Panginoon, at ang Panginoon naman ang nag-aalaga sa katawan. Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo at ipinagkaloob ng Diyos sa inyo?” 1 Corinto 6:12-13; 19
Malamang marami sa atin ang magsasabing, “Siempre naman, mahal ko ang aking sarili”. Talaga? Tingnan natin ang ilang batayan upang masabi kung ito ay talagang totoo.
Inaalagaan mo ba ang iyong katawan at kalusugan? Sinasabing ang ating katawan ay sagrado sapagkat ito ay templo ng Espiritu Santo. Kumakain ka ba ng wasto at masustansiyang pagkain? O binubusog mo ang iyong sarili sa mga pagkain at bagay na maaaring magdulot ng sakit sa iyong katawan? Binibigyan mo ba ng sapat na tulog at pahinga ang iyong sarili? Nag-eehersisyo ka ba ng regular?
Umiiwas ka ba sa mga maaaring makasakit sa iyo? Sa mga bawal na pagkain, bawal na relasyon, bawal na droga, sigarilyo, alak, sugal o iba pang bisyo? Sa mga lugar tulad ng bahay aliwan, casino, sabungan at iba pang sugalan? Sa mga taong may masamang impluensya o nagbibigay ng sama ng loob, o matinding “stress” o problema sa iyo?
Pinalalaya mo ba ang iyong sarili sa mga masasamang bisyo, sa mga tiwaling gawain, sa mga taong nanakit sa iyo at sa mga taong di mo mapatawad? O kinukulong mo ang iyong sarili sa iyong mga kahinaan, sa iyong galit o nasang maghiganti, sa iyong di pagpapatawad?
Kung talagang mahal natin ang sarili, alagaan ang katawan at kalusugan. Umiwas sa mga bagay, lugar o tao na makakasakit sa atin. Palayain ang sarili sa lahat ng nag-aalis ng kapayapaan at kaligayahan sa ating kalooban. Hanggat hindi natin matutunan na mahalin ang ating sarili, hindi tayo maaaring magmahal ng ating kapwa. Sabi nga, “You cannot give what you do not have.”
(Ang PAN-BUHAY ay isang pakikipagugnayan sa pamamagitan ng panulat tungkol sa ating buhay espirituwal at sa ating Panginoon na tinatawag din nating “Ang Tinapay (Pan) na Nagbibigay-Buhay”)
ni Divina Lumina