Sinalubong nito sa kalagitnaan niyon si Victorious Victor. Karaka itong nagpakawala ng mga suntok. Na nagawa namang mailagan lahat ng katunggali. At nakontra-suntok pa. Tila kidlat-sa-bilis na sumagapak iyon sa panga ni Strotsky na tihayang-tihayang bumagsak.
Itinigil ng referee ang laban. Tapos na ang sagupaang “Victorious Victor Vs. Davis Strotsky.” Wala nang kakilos-kilos noon si Strotsky sa pagkakalugmok. Kaya pala naman ay nasa kalagayang comatose na ito.
Nanatiling walang malay si Strotsky sa pinagsugurang ospital sa loob ng tatlong araw. At binawian roon ng buhay. Ikinamatay niya ang pagkapatid ng ugat sa ulo sanhi ng pagkalakas-lakas na suntok ni Victorious Victor.
Nangilabot si Liza sa napabalitang kamatayan ni Strotsky. Sinaklot ng takot ang puso nito para sa asawang si Joe na sinasa-bing tiyak nang makakapukpukan ni Victorious Victor sa ibabaw ng ring sa kalagitnaan ng susunod na taon.
“Number one contender mo na si Victorious Victor, Joe…” ani Liza, may kaba sa dibdib.
“E, ano? Champion naman ako, ‘di ba?” ang tugon ni Joe sa asawa.
“Kung pwede nga lang sanang tumigil ka na sa pagboboksing, Joe…”
“Puwede akong umayaw… Pero hindi ganu’ng kadali ‘yun, Liza.”
“Alam ko, Joe… “
“Gusto ko rin namang maingatan ang aking reputasyon, Lisa. At patuloy ako aakyat ng ring alang-alang sa anak natin… At para na rin sa tatanggapin kong premyo.”
Bago ang tinaguriang “Fight of the Century” sa pagitan nina Bulldozer Joe at Victorious Victor ay nagkaroon pa muna ng presscon sa isang five star hotel ang boxing promoter.
“Ipinapayo ko kay Joe na magretiro na siya. At ‘yun ang pinakamagandang magagawa n’ya para maiwasan ako,” ang bi-nigyang-diin ni Victorious Victor sa mga reporter. (Itutuloy)
ni Rey Atalia