Saturday , November 23 2024

Sharon for mayor ng Pasay sa 2016?

00 Kalampag percyWALA na sanang kahirap-hirap na muling mahalal sa kanyang ikatlong termino bilang alkalde ng Pasay City si Mayor Antonino “Tony” Calixto sa 2016 elections.

Naubusan na kasi nang makakalaban si Calixto dahil sa dalawang magkasunod na halalan noong 2010 at 2013 ay tinalo niya ang matatandang politiko sa lungsod na kasabayan pa ng kanyang yumaong ama na si Duay.

Sa ngayon, wala pa tayong alam na bagong pangalan sa politika ng Pasay na maglalakas-loob sumagupa sa kanila ng kanyang nakababatang kapatid na si Rep. Emy Calixto-Rubiano.

Kaya nga hindi na kailangan hulaan na sa 2019 elections ay tiyak na magpapalitan lang sila ng tatakbuhang puwesto ng kanyang kapatid sakaling kapwa sila muling mahalal sa susunod na 2016 elections.

Imposible nang bitawan ng mga Calixto ang poder ng Pasay na papayag lang silang maisalin at umikot ang hawak na kapangyarihan sa political dynasty ng kanilang angkan.

Pero paano kung makialam ang tadhana?

Balita natin, gabi-gabi palang umiikot sa Pasay ang tinaguriang “Megastar” na si Ms. Sharon Cuneta.

Dumadalaw sa mga lamayan, nakikipag-usap sa mga dati at incumbent officials na may hatak pa sa botante.

Kung tutuusin, gasino na lang ang suportang maibibigay ng mga politikong sasama kay Sharon kung tatakbong alkalde ng Pasay.

Noong wala pang balitang tatakbo si Sharon, tiyak na sana ang panalo ni Calixto kasi walang kalaban.

Ipinagmamalaki pa ng kampo ni Calixto na kontrolado nila halos lahat ng barangay chairman ng siyudad dahil pawang nakikinabang sila sa alkalde.

Pero kapag inilarga ni Sharon ang kanyang kandidatura sa pagka-alkalde ay ibang usapan na dahil may pagpipilian na ang mga botante at walang hindi nakakikilala kay Sharon.

Ang tatay niya na si yumaong Mayor Pablo Cuneta ay itinuturing na alamat, ang pinakamatagal na nanungkulang alkalde sa kasaysayan ng politika sa Filipinas.

Hindi rin naman matatawaran ang mga nagawa ng administrasyong Cuneta, kahit pinakamaliit na siyudad ang Pasay nang panahon niya ay tinamasa naman ng mga Pasayeño ang libreng “from womb to tomb” na serbisyo ng pamahalaang lungsod.

Sa panahon ni Cuneta ay naipatayo at napakinabangan ang libreng serbisyo sa Pasay City General Hospital, libreng pag-aaral mula nursery hanggang high school at nagkaroon ng public cemetery kung saan maililibing nang walang bayad ang mga yumao.

Maging ang Pasay City Public Market ay isa rin sa mga proyekto ni Cuneta na paboritong tangkilikin ng mga mamimili.

Sa panahon din ni dating Mayor Cuneta naipatayo ang Pasay Astrodome na isinunod sa kanyang pangalan.

Pero ang nakalulungkot, tila pinabayaan ng mga sumunod na administrasyon ang “legacy” ni Cuneta.

Nagkaroon man ng dagdag na kita ang kaban ng lungsod dahil naglipana ang mga negosyo sa Pasay, mukhang hindi naramdaman ng mga residente ang epekto.

Lumaki si Sharon sa kalakaran ng politika at kabisado niya ang pasikot-sikot sa siyudad.

Ngayong pinupulsuhan ng Megastar kung uubra pa ang bertud ng mga Cuneta, tiyak, masusunog ang sinaing dahil lalabas ng bahay ang mga tao kapag nalaman na darating si Sharon.

Pagsamahin man lahat ng mga politiko at lider sa Pasay, mas marami pa rin ang bilang ng botante kompara sa kanila kaya siguradong lalawit ang dila ni Calixto sa kampanya.

‘Yan ang tinatawag na divine intervention na hindi naisip ni Calixto na yayanig sa kanyang political career kapag nagpasiyang tumakbo si Sharon sa Pasay.

Itaga n’yo sa bato, ang mga dating tahimik na residente ng Pasay na walang hilig makialam sa politika ay siguradong magkaka-interes masangkot ngayon sa kampanya.

Ang ama ni Calixto ay minsang nakatikim na maluklok bilang alkalde ng Pasay pero bilang officer-in-charge nang maupong pangulo ang nanay ni PNoy na si Cory Aquino.

Hindi kasi nakaporma noon ang matatandang politiko ng Pasay dahil sa kakaibang karisma ni Cuneta sa mga mamamayan ng lungsod.

Kapag nagkataon, mga anak naman ang magsasagupa.

Abangan na lang natin kung paano makikialam ang tadhana sa Pasay.

 

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

 

ni Percy Lapid

About hataw tabloid

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Mayor Joy B., muling pinarangalan ng CSC; 4,025 QCitizens, nilektyuran ng QCPD vs terorista, etc.

AKSYON AGADni Almar Danguilan SANA ALL. Ang alin? Sana all ng alkalde sa National Capital …

Firing Line Robert Roque

Alerto sa backlash

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. PARA sa isang analyst sa United States, isa ito …

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *