NAGING PALAISIPAN KAY RANDO ANG KATAUHAN NI NATHANIEL aka KING KONG
“Guro si Nathaniel sa elementarya ng pampublikong eskwelahan sa kabisera ng bayan. At sa totoo lang, labag sa kalooban niya ang paglahok-lahok sa mga paligsa-han kung saan promotor si Don Brigildo. Pero wala siyang magawa…” bida kay Rando ng matandang lalaking mala-pilak ang buhok.
“K-kung talagang ayaw n’ya, ano’t lagi siyang umaakyat ng ruweda?” tanong niya sa pagkamaang.
“Malalaman mo rin ang tunay na dahilan… Ikaw si Ganador na nagkampeon sa Matira Ang Matibay, di ba?” ang makahulugang tugon ng matandang lalaki.
Naging palaisipan iyon kay Rando. Pero panliliit sa sarili ang mas tumimo sa kanyang katauhan. Dahil masasabing bihira na lamang ang puwedeng makatulad ni King Kong sa kasalukuyang panahon.
Balik siya sa pagiging isang sakada. Mula sa maghapong pagpapawis ay pinag-susumikapan niyang maitaguyod ang mga pangangailangan ng pamilya sa araw-araw. Makaraan pa ang ilang linggo, walang abog na nilapitan siya ni Mang Emong.
“Bata, sa susunod na buwan, pahinga ka muna…” bungad nito sa kanya.
“Bakit po, Tata? “ naitanong niya.
“May pribilehiyo kang sumuweldo kahit ‘di ka magtrabaho. Sabi ni Boss, kinakailangan mo na raw mag-ensayo,” sabi ng katiwala ni Don Brigildo.
“Ho?” aniya, napatunganga sa matandang lalaki.
“Isasabak ka raw ng Boss natin sa torneo na gaganapin sa araw ng pistang-bayan…” tapik nito sa balikat niya.
“Hindi na ako sasali, Tata Emong…” ang dagli niyang tugon.
“Bahala ka… Pero ewan kung magagawa mong tanggihan si Boss,” ang malakas-lakas na pagtapik ulit sa balikat niya ng matandang katiwala. Matagal-tagal na natigagal si Rando nang iwan ni Mang Emong.
Kinabukasan, ipinagpatuloy niya ang paggawa sa lupain ni Don Brigildo.
(Itutuloy)
ni Rey Atalia