SI Jayson Castro ang itinanghal na Best Player of the conference dahil napaka-consistent naman talaga ng kanyang performance para sa Talk N Text sa kabuuan ng elimination round hanggang sa quarterfinals at semifinal round.
Hindi nga ba’t siya pa nga ang naging Best Player ng huling tatlong laro ng semis kung saan tinalo ng Tropang Texters ang defending champion Purefoods Star?
Kaya kahit pa sabihing mahigpit niyang karibal para sa award si Paull Lee ng Rain Or Shine, alam na ng halos lahat na si Castro na ang magiging Best Player bago pa man ibinigay ang parangal sa umpisa ng Game Four.
E, kahit nga sa Finals ay maganda pa rin ang performance ni Castro. Biruin mong gumawa siya ng career-high 44 puntos sa Game Three. Pero natalo nga lang ang Tropang Texters.
Well, kung tanggap ng karamihan na si Castro ang Best Player ng Conference, siya rin ba ang Most Valuable Player ng Finals?
Sa punto de vista ng karamihan, iba naman ang nagbida para sa Tropang Texters sa Finals.
Lalung-lalo na sa Game Four at Game Five.
Ang mga larong ito ay napanalunan ng Talk N Text upang makuha ang 3-2 abante sa serye. At kung nagwagi muli sila kagabi, kampeon na sila ngayon.
So, sino ang nagbida para sa kanila sa mga panalong nabanggit?
Si Ranidel de Ocampo!
Napantayan ni de Ocampo ang kanyang career-high 33 puntos sa Game Four upang tulungan ang Tropang Texters na itabla ang serye.
Pagkatapos ay gumawa siya ng 27 puntos sa Game Five upang makalamang nga sa serye ang Tropang Texters.
Kung nagpatuloy ang brilliance ni de Ocampo hanggang kagabi at nagwagi ang Tropang Texters, malamang sa siya ang naparangalan bilang MVP ng Finals.
At kahit na si Castro ay hindi magrereklamo na si de Ocampo ang makakakuha ng karangalang iyon!
ni Sabrina Pascua