MAKARAAN ang mahabang panahong paghihintay at ilang linggong pagsasanay sa training camp, inihayag ng eight-division champion Manny Pacquiao na alam niya kung ano ang dadalhin ni Floyd Mayweather sa paghaharap nila sa Mayo 2 (Mayo 3 PHL time) sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas.
“Excited ako sa laban. Marami akong mga sparring partner na katulad ang fighting style ni Floyd, at nagawa na namin ang lahat ng preparasyon. Alam na namin kung ano ang maaasahan mula sa kanya,” punto ni Pacquiao sa kanyang media workout.
“Pinanood ko ang tape (ng mga laban) ni Floyd para masiguradong ang aming estratehiya at technique sa training camp ay wasto,” pahayag pa ng People’s Champ.
Sa kabila ng mga kritisismo ang kanilang inaabangang showdown ay ‘six years too late,’ naniniwala pa rin ang Pinoy boxing icon na maganda na rin ang nangyari, partikular na kung patungkol sa pagbebenta ng laban, na sinasabing pinakamalaki ang price purse sa kasaysayan ng boxing.
“Mas maraming tao ngayon ang interesado at may impormasyon tungkol sa laban kaysa limang taon nakalipas,” aniya.
“Style wise, I am the same fighter I was five years ago. Ang aking determinasyon, inspirasyon at killer instinct ay pareho rin noong limang taon nakalipas. Masasabi kong ang talunin si beating Floyd ang magiging pinakamalaking tagumpay sa aking career.”
Kinalap Ni Tracy Cabrera