At totoong iniinda iyon ng katunggali kahit saan ito makatama.
Pero hindi lamang gayon ang nakita ni Joe na katangian ni Victorious Victor.
“Parang hindi siya nasasaktan bagama’t tumatama rin ang suntok ng kanyang kalaban,” ang naibulong niya sa sarili.
“Hindi ordinaryong boxer si Victorious Victor,” sabi ng coach ni Joe.
“Kaya nga pambihira ang boxing record niya,” si Mr. Roach, napailing-iling. “At kahit si Joe ang champion, madedehado siya sa laban.”
“Boss, hindi makaiiwas ang kampo natin sa sa itatakdang mandatory fight,” pagkakamot sa ulo ng coach ni Joe.
“Ganu’n na nga… At wala tayong magagawa kundi isagupa si Joe sa challenger na si Victorious Victor,” agap ng boxing manager.
“Boss, aagahan namin ang pag-eensayo kay Joe,” singit ng trainer.
“Okey, bahala kayo…” ang malamyang tugon ni Mr. Roach.
Nagpraktis si Joe nang todu-todo. Nagpapawis siya tuwing umaga sa pagtakbo, pinalakas niya ang mga suntok sa punching bag, pinatalas ang mga mata sa speed ball, nag-sit ups-push ups at nag-jumping rope. Pinatibay ang bodega ng tiyan sa pamamagitan ng bending, seryosong nag-ensayo ng boksing sa dalawang magagaling na sparring partner, at kumakain lamang ng wastong pagkain.
Pero nalathala sa mga sports magazine na malamang na malamang magharap muna sa ring sina Victorious Victor at Davis Strotsky, ang Russian boxer na number 1 sa ranking ng WBA.
“Malamang sa kalagitnaan pa ng susunod na taon maiskedyul ang laban namin ni Victor,” nasabi ni Joe sa asawang si Liza.
“Kung ako lang ang masusunod, ang gusto ko sana ay tumigil ka na sa pagboboksing,” ani Liza, yumakap kay Joe.
“Patuloy akong aakyat sa boxing arena para sa ating anak…” ang paninindigan ni Joe. (Itutuloy)
ni Rey Atalia