HINALINHAN NI RANDO ANG MGA GAWAING SIBIKO NA IPINAGKAKALOOB SA KOMUNIDAD NI KING KONG
“ Hindi naman siya politiko pero regular ang kanyang lingguhang feeding program at medical mission…”
“At si King Kong lang ‘yu’ng may pusong guro ng mga kabataang ‘di nakatuntong sa paaralan…”
Naging mabigat ang dibdib ni Rando sa pag-uwi ng kanilang tahanan. Nagsusu-miksik sa alaala niya si King Kong. Napasandal siya sa dingding sa pagkakaupo sa sahig na kawayan sa paghigop-higop ng mainit na kape.
“Ano’ng problema, Ran?” antig sa kanya ni Leila.
“Nagi-guilty ako sa nangyari…” aniya sa asawa.
“Bakit naman?” usisa nito.
Naihinga niya kay Leila ang nasa kalooban, ang tungkol sa mga narinig na usap-usapan sa kanilang lugar.
“Tapos na ‘yun… at ‘di mo naman talaga kagustuhan ang nangyari…” ang pagpapakalma ni Leila sa damdamin niya. “At ‘yun na sana ang kahuli-hulihan mong laban, Ran.”
“Nangako ako sa ‘yo, Mahal… Tutuparin ko,” aniyang taos sa puso.
Nabayaran ni Rando ang pagkakautang sa matandang lalaking usurero. Nasulitan na rin pati ang perang pahiram sa kanya ni Mang Emong. Pero tila may guwang sa kanyang puso na dapat mapunan. Nagsadya siya sa lugar ni King Kong. At napatunayan niya ang di-matatawarang kadakilaan ng pagkatao nito kaysa iba. Nagluto ng isang talyasing sopas para ipakain sa pagkarami-raming mga kabataang biktima ng malnutrisyon. Pagkatapos niyon, hinarap ang pagti-titser sa mga kabataang babae at lalaki na gustong matutong bumasa at sumulat.
Ayon sa kanyang pagtatanong-tanong: Nathaniel ang tunay na pangalan ni King Kong, dating trabahador din sa plantasyon ng tubo ni Don Brigildo. Namatay ang buong pamilya nito sa naganap na mala-delubyong flash flood may ilang taon na ang nakalilipas. At mula noon, iniukol na niya ang buong buhay at panahon sa mga kabataang nasa abang kalagayan. (Itutuloy)
ni Rey Atalia