Pinuspos niya ang pag-eensayo. Nagpresinta siya kay Mr. Roach na maging alagang boxer ng kuwadra nito sa Las Vegas, Nevada. Natipohan naman siya ng mana-ger ng mga sikat na boksingero. At bumilib sa ipinamalas niyang galing sa pakikipagboksing. Nang maging isang professional boxer ay naging mabilis ang pag-akyat ng kanyang rating. Naging kampeon sa dibis-yong heavy weight at nakilala siya sa pa-ngalang “Bulldozer Joe.”
Pero bago pa man nakamit ni Joe ang korona sa pagiging kampeon sa boksing sa buong mundo ay nagkasakit na ng leukemia ang batang si Tommy, ang kaisa-isa nilang anak ni Liza. Patuloy itong ginagamot ng mga espesyalistang doktor ng kilalang ospital sa Nevada. Pero tila lalong lumulubha ang karamdaman, nagmistulang lantang gulay at naging buto’t balat sa kapayatan.
“Papa, ‘pag nakalaban mo si Victorious Victor, e pwede ba akong manood ng laban n’yo?” sabi ng batang si Tommy nang dalawin ni Joe sa pagamutan.
“Oo naman, anak…” aniyang humaplos-haplos sa kulot na kulot na buhok ng anak na nakaratay sa kama ng silid-pagamutan. “Magpalakas ka agad, ha?”
Tinanguan siya ng batang lalaki.
“Magtsi-cheer ako sa ‘yo, Papa… Alam kong mas magaling ka sa Victor na ‘yun!” ngiti ng mga mamad na labi nito.
“Sige, anak, promise… Isasama kita sa darating na laban ng papa mo kay Victorious Victor,” sabi naman ng asawa niyang si Liza na pilit nagpapakasigla sa harap ng anak na may sakit.
Pinanood ng kampo ni Mr. Roach ang mga naunang laban ni Victorious Victor. Naroroon si Joe, ang kanyang coach at mga trainer na kapwa boxer. Karamihan sa apatnapo’t walong nakasagupa ni Victor ay tumagal lamang ng first round. Ang ilan, knockout din bago matapos ang second round. Grabe ang lakas ng mga suntok nito.
(Itutuloy)
ni Rey Atalia