WALONG araw pa bago umakyat ng ring si Manny Pacquiao sa Mayo 3 laban kay Floyd Mayweather ngunit na-knockout na ng People’s Champ ang kanyang kalaban sa isang mahalagang aspeto ng mega-fight: sa mga commercial endorsement.
Sa kabila ng pagiging Amerikano ni Mayweather, si Pacquiao ang boxing superstar na umaani ng sunod-sunod na mga endorsement, kaliwa’t kanan, sa Estados Unidos.
Sa nakalipas na anim na buwan, nagawang lumagda ng kontrata si Pacman sa ilang malalaking kompanya, kabilang ang Nike at Nestle, na magbibigay sa kanyang ng US$5 milyon, ayon sa ulat ni Kurt Badenhausen ng Forbes Magazine.
Batay din sa nasabing report, wala pang kinikita si Mayweather sa alin mang endorsement.
Plano pa rin umano ng mga American snack brand na Butterfinger at Wonder Pistachio na magsagawa ng malalawak na advertsing campaign gamit ang People’s Champ.
Kaugnay nito, malapit nang ilunsad ng Nike ang bagong linya ng Pacquiao apparel.
“Magiging available ito exclusively sa Foot Locker, Nike.com at mga tindahan ng Nike sa West Coast, na matatagpuan ang pinakamalaking fan base ni Pacquiao sa US. Palolobohin ng mga royalty sa damit at mga sponsor deal sa Filipinas ang 12-buwan endorsement income ni Pacquiao nang mahigit US$5 milyon,” ani Badenhausen.
“Maraming kompanya ang nag-aala-ngan sa boxing, pero talagang mahal nila si Manny Pacquiao,” wika naman ni Lucia McKelvey ng Top Rank, ang point person para sa pagmemerkado kay Pacquiao sa US.
Samantala, sa kampo ni Mayweather ay hindi nababahala sa lumalaking marketing money ng Pambansang Kamao.
“Para itong ‘badge of courage’ kay Mayweather na wala siyang mga endorsement. Dahil dito ay hindi siya kailangang mangilin sa alin mang kompanya, at ang sabi ni Mayweather, mas gusto niyang makuha ang kapiraso sa aksyon kaysa alin mang deal na siya ang involved,” dagdag ni Badenhausen.
May dala rin bagahe ang American champion mula sa multiple domestic violence charges, at maging ang tatlong-buwan pagkakabilanggo noong 2012 sa plea deal ng kasong battery at harassment na isinampa laban sa kanya.
“Siya ang highest-paid athlete sa buong mundo sa pagitan ng Hunyo 2013 at Hunyo 2014 sa kanyang kinitang US$105 milyon, pero wala kahit isang kusing na nagmula sa endorsements,” pagtatapos ni Badenhausen.
Kinalap ni Tracy Cabrera