KAPWA ibubuhos ng Talk N Text at Rain Or Shine ang kanilang makakaya upang masungkit ang panalo sa Game Five ng PBA Commissioner’s Cup best-of-seven Finals mamayang 7 pm sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Dinaig ng Tropang Texters ang Elasto Painters, 99-92 sa Game Four noong Miyerkoles upang itabla ang serye, 2-all. nanalo rin ang TNT sa Game One, 99-92.
Nagwagi naman ang Rain or Shine sa Game Two (116-108) at Game Three (109-97).
Sa Game Four ay hindi napakinabangan ng Rain or Shine ang Best Import na si Wayne Chism sa first half nang matawagan siya ng kanyang ikaapat na foul sa simula pa lang ng second quarter.
Naibalik na lang siya ni coach Joseller “Yeng” Guiao sa kalagitnaan ng third quarter kung saan halos kontrolado na ng Tropang Texters ang laro.
Sumabog ang kaguluhan may 9:47 ang nalalabi sa laro matapos na magpambuno sina Jireh Ibanes at Matt Ganuela Rosser na parehong na-thrown out.
Humalo sa gulo si JR Quinahan nang batuhin niya ng bola sa ulo si Rosser at matawagan naman siya ng flagrant foul penalty two. Na-thrown out din siya.
Sa puntong iyon ay angat ang Talk N Text, 80-72. Nagpasok ng dalawang free throws si Larry Fonacier sa flagrant foul ni Quinahan upang umangat sa sampu ang abante ng tropang texters.
Nakapagposte pa ng 14 puntos na bentahe ang Talk N Text, 92-78.
Nakakuha ang Talk N Text ng career-high 33 puntos buhat kay Ranidel de Ocampo. Nagdagdag naman ng 23 si Castro.
Pinamunuan naman ni Chris Tiu ang Rain or Shine nang gumawa siya ng bagong career-high 21 puntos.
Inaasahang paaalalahanan ni Guiao si Chism na umiwas sa maagang foul trouble upang mapakinabangan siya ng Rain or Shine sa kabuuan ng laro. Si Chism ay nag-average ng 32 puntos sa unang tatlong laro ng serye.
(SABRINA PASCUA)