SA pagtahak tungo sa tugatog ng listahan ng mga pound-for-pound king, limang mandirigma ang nakaharap nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr.—kabilang na rito ang ‘Golden Boy’, Oscar De La Hoya.
Ibinahagi ng boxer-turned-promoter ang kanyang opinyon sa binansagang ‘mega-fight of the century’ sa media workout para kay Saul ‘Canelo’ Alvarez at Pinoy fighter Mercito Gesta.
“Basta maging maganda lang ang laban, iyon ang mahalaga,” punto ni De La Hoya. “Iyon ang iniintindi ko.”
“Gusto ko iyong match-up. Bilib ako sa mga estilo. Ang bukod-tanging magpapaganda sa laban ay si Pacquiao,” dagdag ng dati rin pound-for-pound king.
Noong 2007, sinubukan ni De La Hoya si Mayweather at umabot pa siya sa ika-10 round ng kanilang sagupaan, dangan nga lang ay natalo siya sa labang nagtala ng bagong record sa inani nitong 2.4-milyong pay-per-view buys.
Sa kabilang dako, ang pagkatalo naman ni De La Hoya kay Pacquiao noong 2008 ay nagpatunay na huli niyang laban sa mahabang career na nagpasikat sa kanya simula nang magwagi siya ng gintong medalya sa boxing sa Barcelona Olympic Games noong 1992.
“Baka maging kabagot-bagot ang laban dahil tinalo siya ni Mayweather sa pamamagitan nang husay sa boxing,” ani De La Hoya. “O kaya’y magiging kapana-panabik ito dahil hahamunin siya ni Pacquiao para lumaban nang sabayan.”
“Umaasa akong magkakaroon ng Plan B,” dagdag niya.
Habang nilimitahan din ang kanyang komento ukol sa sagupaan sa Mayo 3, nag-split decision din si De La Hoya sa kanyang prediksyon.
“Ang utak ko ang sina-sabi si Mayweather, pero ang puso ko para kay Pacquiao,” ani De La Hoya. “Kaya magiging magandang laban ito.”
“Hindi ako makapag-predict. Pero puwede rin masorpresa ni Pacquiao si Mayweather. Dangan nga lang ay maestro si Mayweather sa kanyang ginagawa. Siya’y isang master defensive boxer,” dagdag niya.
Sa daigdig ng boxing, malaki ang magagawa ng isang suntok. Sinabi rin ni ‘Golden Boy’ na makaaapekto sa laban nina Alvarez at James Kirkland kung sino ang magwawagi sa ‘Battle for Greatness’ sa pagitan ni Pacman at Pretty Boy.
Nakatala ang panalo ni Mayweather sa wala pa noong talong si Alvarez bilang pinaka-lucrative fight sa boxing.
Umaasa si De La Hoya na mabibigyan ng pagkakataon si Canelo para makaharap ang mananalo sa dalawang pound-for-pound champion.
“Mabibigyan si Canelo ng tsansa para makalaban si Mayweather. Maniwala kayo, mabibigyan siya ulit ng tsansa, pero sa tamang panahon,” aniya.
“If everything goes well as planned, garantisadong makakaharap ni Canelo sino man kina Mayweather o Pacquiao sa nalalapit na panahon,” aniya.
Ibinahagi rin ni De La Hoya ang kanyang plano sa Mayo 3.
“Naroroon ako, katabi ni Bob Arum,” nagtatawang sinabi niya.
Kinalap ni Tracy Cabrera