Friday , November 22 2024

Ibinulsa ang Maynila

00 Kalampag percySI ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada ang dapat maging pos-ter boy/endorser ng taong nananaginip nang gising o nabubuhay sa pantasya.

Humihirit si Erap kay PNoy na isailalim sa house arrest si dating pangulong GMA dahil daw sa humanitarian reason kahit Sandiganbayan ang may kapangyarihan sa kaso nito.

Ang totoo, kaya niya gustong ma-house arrest si GMA ay hindi dahil nagmamalasakit siya, kung ‘di para magkaroon ng halimbawa ang anak niyang si Sen. Jinggoy at iba pang kaalyado ni-yang nakakulong sa kasong pandarambong na makapag-request din ng house arrest.

Ang ikalawang birthday wish daw ni Erap ay maghari ang kapayapaan at hustisya sa Minda-nao gayong noon ay halos sampung buwan umiral ang ipinag-utos niyang all-out war sa Mindanao.

Batay sa United Nations 2005 Philippine Human Development Report, mula Marso 2000 hanggang Enero 2001 ay umabot sa P1.337-B ang nasimot sa kaban ng bayan, 222 sundalo at 471 MILF ang namatay, at 800,000 katao ang nawalan ng tirahan sa Mindanao.

Ang ikatlong birthday wish niya pa ay ‘great things for the city of Manila’ at maibalik daw ang “old glory” ng kabisera ng bansa.

Pagbabalik ba ng ningning sa Maynila na matatawag ang naglipanang taong kalsada, pagtaas ng kriminalidad, pagtatakda ng bayad sa anim na Manila public hospitals na dati’y libre ang serbisyo, walang patumanggang pangongotong sa mga tsuper at sidewalk vendors?

Magiging great city ba ang Maynila kung laganap ang illegal na droga at towing/clamping cum carnapping activities ng mga taga-MTPB, itinaas sa 300% ang amilyar, sunod-sunod na nasunog ang mga primera klaseng aria-arian ng lungsod at unti-unti na itong naibebenta nang palihim?

Mukhang kailangan yugyugin ng lindol na intensity 9, si Erap para manumbalik sa katotohanan ang kanyang ulirat na wala siyang nagawang mabuti para sa mga Manileño kaya hindi na siya dapat magtagal pa sa puwesto.

 

LIPUNAN NG MGA MANDARAMBONG

TAMA ang French political analyst na si Claude Frédéric Bastiat nang sabihing: “When plunder becomes a way of life for a group of men living together in society, they create for themselves in the course of time a legal system that authorizes it and a moral code that glorifies it.”

Ganito nga ang sinusunod ni Sen. Jinggoy sa pagdepensa niya sa pamilya Binay at kay pork barrel scam queen Janet Lim-Napoles.

Gusto ni Sen. Jinggoy na manahimik si Sen. Antonio Trillanes IV sa pagbubunyag na binili sa halagang P50-M ng mga Binay sa dalawang mahistrado ng Court of Appeals (CA) ang temporary restraining order (TRO) at permanent injunction para ipatigil ang implementasyon ng preventive suspension order ng Ombudsman laban kay Makati City Mayor Jun-jun Binay.

May ebidensiya man si Trillanes o wala, si Jinggoy ang pinakahuling tao na puwedeng magsermon tungkol sa kredibilidad dahil nakakulong siya sa kasong pandarambong at walang kara-patan ang mga preso na magbigay ng opinyon o kumibo tungkol sa mahahalagang usapin, lalo sa isyu ng katiwalian.

Nangangamba marahil si Jinggoy na mawawalan siya ng tsansa na makinabang sa “justice for sale” at tuluyan siyang mabulok sa kulungan kaya sinasaway niya si Trillanes sa pagbubulgar.

Maging ang paghatol nang habambuhay ng hukom kay Napoles sa kasong serious illegal detention ay pinagdududahan ni Jinggoy na resulta nang pagsasabwatan ng DOJ at ng judge.

Isa lang ang tinutumbok ng pag-epal ni Jinggoy, gusto niyang gawing marangal na kaugalian ang pandarambong.

Sinusubukan niyang maging normal na kalakaran sa mata ng publiko ang PLUNDER o PANDARAMBONG sa salapi ng bayan upang magmukhang legal sa paraang kampihan ang ibang nangurakot.

 

“BATA” NI PNOY KULONG SA NAKAW

SAMPUNG taon na pagkabilanggo ang hatol ng Sandiganbayan Fourth Division sa treasurer ng Liberal Party na si Oriental Mindoro Gov. Alfonso Umali Jr. sa kasong graft kaugnay sa maanomalyang pagpapautang ng P2.5 milyon sa isang pribadong tao noong 1994.

Sentensiyado rin sina dating Oriental Min-doro Governor at Congressman Rodolfo Valencia, at dating Sangguniang Panlalawigan member Romualdo Bawasanta.

Ang hatol, tanggal ang retirement and gratuity benefits, ipinasasauli pa ang P2.5-M na inutang, at perpetual disqualification from holding any public office.

Sa anomalya na P2.5-M lamang ang halagang sangkot, habambuhay nang ipinagbabawal sa kanila ang humawak ng kahit anong puwesto sa gobyerno.

Pero pasalamat pa rin sila dahil mabait ang Supreme Court sa mga mandarambong at magnanakaw kaya puwede pa silang kumandidato kahit nahataulan.

Humingi lang sila ng pardon kay Pangulong Aquino o sa susunod na presidente, at kapag pinagbigyan ang hirit nila, puwede na sila ulit kumandidato, tulad sa desisyon o jurisprudence ng SC sa disqualification case ni Erap.

Kahit ilang batas ang nagbabawal ng habambuhay na makabalik sa pamahalaan, binalewala ito ng SC pabor kay Erap.

Paano pa kaya mapapanagot ang mga nanggahasa sa kaban ng bayan pagkatapos tanggalin ng SC ang ngipin ng mga batas sa plunder at kontra-korupsiyon sa kaso ni Erap?

 

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

 

 

ni Percy Lapid

About hataw tabloid

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Mayor Joy B., muling pinarangalan ng CSC; 4,025 QCitizens, nilektyuran ng QCPD vs terorista, etc.

AKSYON AGADni Almar Danguilan SANA ALL. Ang alin? Sana all ng alkalde sa National Capital …

Firing Line Robert Roque

Alerto sa backlash

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. PARA sa isang analyst sa United States, isa ito …

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *