NITONG nakaraang Linggo, Abril 19, ipinagdiwang ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ang kanyang ika-78 kaarawan, at tatlong birthday wish ang nais niyang matupad.
Una, pagbigyan si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kahilingan na sumailalim sa house arrest.
Pangalawa, pagkakaroon ng hustisya at pangmatagalang kapayapaan sa Mindananao.
At pangatlo, ang maibalik ang dating matatag na estado ng Maynila – isang nangungunang lungsod na may disiplinadong mamamayan at may maunlad na negosyo.
Sa tatlong birthday wish na ito, mukhang ni isa man ay walang makukuha si Erap. Tawagin man ang lahat ng genie, tiyak na mabibigo lang si Erap.
Sa unang kahilingan pa lang, binigo na kaagad si Erap ng Palasyo.
Sa pangalawang kahilingan, malabo ito dahil si Erap mismo ang nananawagan ng all-out war sa Mindanao. Marami ang nagsasabing utak-pulbura si Erap.
At sa pangatlong kahilingan, lalong mahirap itong makamtan. Sa ilalim ng administrasyon ni Erap, higit na tumindi ang kahirapan. Nagkalat ang mga pulubi. Nagkalat ang mga rugby boys at nagkalat din ang mga taong grasa.
Kasabay ng pagdami ng barongbarong, dumami rin ang mga pusher at adik, dumami ang prostitution den at naging masigla ang illegal gambling.
Sa hanay naman ng mga negosyante, ang mataas na buwis ang kanilang inirereklamo.
Ito ang kasalukuyang mukha ng Maynila, sa ilalim ng pamamalakad ni Erap.