Pamaya-maya’y lumabas sa butas niyon na inalisan ng takip na plywwod si Gardo, hawak ang supot na plastik na kinalalag-yan ng isang patay na daga.
“Kahit anong tago, sisingaw at sisingaw din talaga ang baho…” anito sa pagsayad ng mga paa sa sahig ng opisina ni Mr. Mizuno.
“Narinig mo’ng…” ang nabitin na pananalita ni Mang Pilo.
Nanlilisik ang mga mata ni Gardo na punumpuno ng galit.
“Dapat pagbayaran ni Mr. Mizuno ang pagkamatay ni Carmela,” ang mariing sabi ng binatang manggagawa.
“Tetestigo ka laban sa ating boss?” tanong pasalag ni Mang Pilo.
“Oo, Sir…” si Gardo, sa matatag na tinig.
“Hindi pwede ‘yan, bata… Parang ako na rin ang kakalabanin mo…” depensa ng bisor ng pabrika.
Tinalikuran ni Gardo si Mang Pilo. Sa kauna-unahang pagkakataon ay mukhang susuwayin nito ang itinuturing na amo.
“Sumige ka at pare-pareho tayong mawawalan ng ikabubuhay…” sigaw ng bisor sa binatang trabahador.
Tuloy-tuloy na nanaog si Gardo sa ika-lawang palapag ng gusali. Binuntutan pa rin siya ni Mang Pilo.
“’Di ba kita pwedeng makuha sa pakiusapan?” anitong mataas pa rin ang tinig.
Parang walang narinig ang binata.
Dakong ala-sais ng hapon nang duma-ting ang bangkang de-motor na nagseserbisyo sa paghahatid at pagsundo sa mga kawani ng pabrika. Nagsakayan agad ang lahat ng pasahero niyon. Humabol si Gardo sa pagsakay. Pero humarang si Mang Pilo sa daraanan nito.
“Wala kang karapatang sumakay dito. Para lang ito sa mga empleyado,” pagpigil sa binata ng kanilang bisor.
“Empleyado rin naman ako, ah,” angil ni Gardo.
“Sinisante na kita… ‘Di ka na pwede,” pagmamatigas ni Mang Pilo.
Mariing napatiim-bagang si Gardo. Walang sabi-sabing umigkas ang kamao nito. Sapol sa dibdib si Mang Pilo. Patihayang bumagsak sa kandungan ni Aling Adela na nakaupo na sa bangka. (Itutuloy)