Muling napaiyak ang matandang babae sa pagtanggap ng salapi.
Gabi-gabing ipinagluksa ni Digoy ang napaagang kamatayan ni Carmela. Mag-isa siyang lumuluha sa dalampasigan ng isla. Nagngingitngit ang kanyang kalooban sa kalunos-lunos na trahedyang sumapit sa babaing iniibig.
Noong minsan, maagang-maaga uling nagpunta si Mr. Mizuno sa isla. Hindi na ito nagpaluto ng espesyal na pananghalian kay Aling Adela at hindi rin nagpautos ng mainit na kape kay Mang Pilo. Pero napansin ni Digoy ang sugat sa leeg at pisngi ng Hapones. Bagama’t pagaling na, para bang likha iyon ng pagkaharit o pagkakayod sa isang matulis na bagay.
“Mang Pilo…” tawag-pansin ng matandang babaing accountant ng kompanya.
“Bakit po, Ma’m?” anang bisor nina Digoy sa paglingon.
“Amoy patay na daga sa aming opisina,” reklamo ng accountant.
“Utusan po n’yo si Gardo na hanapin ‘yun… Sabihin n’yo, sabi ko…”
“Okey… Thanks, Mang Pilo…”
Sinundan ni Mang Pilo si Mr. Mizuno sa pribadong tanggapan nito sa ikalawang palapag ng gusali. Mahaba-habang oras na nag-usap ang dalawang lalaki.
Pagkaalis ni Mr. Mizuno ay sumunod pala si Aling Adela sa kinaroroonan ni Mang Pilo. Dinatnan nitong tahimik na tahimik pero mukhang gulong-gulo ang isipan ng mister.
“Ano’ng problema?” ang nababahalang pag-uusisa ng babae sa asawa.
“Si Mr. Mizuno…” ang panimula sa pagkukwento ni Mang Pilo kay Aling Adela.
“Si Boss pala ang nakadisgrasya kay Carmela… Ayaw bumigay sa gusto niya kaya pinagsusuntok sa mga hita… Kaso, nanlaban daw at pinagkakalmot siya kaya malakas na naitulak… Kaya nahulog sa helikopter…” pangungumpisal ni Mang Pilo sa ‘di nakahumang misis.
Nagulantang ang mag-asawang Mang Pilo at Aling Adela nang biglang may gumalabog sa itaas ng kisame.
(Itutuloy)
ni Rey Atalia