GIPIT ANG KALAGAYAN SI RANDO HANGGANG MAGAWI SA MGA NAG-EENSAYO
“Salamat po…” aniyang nagsilid ng inutang na pera sa bulsa ng suot na pantalong maong.
Kulang pa rin ang pambayad ni Rando sa ospital. Gumawa siya ng promissory note pero hindi rin nito pinayagan na makalabas ang kanyang mag-ina. Halos maniklop-tuhod siya pero nawalan iyon ng kabuluhan.
“Full payment po ang kailangan, Mister, para maiuwi n’yo si Misis at si Baby,” ang matigas na paninindigan ng tagapamahala ng pribadong pagamutan.
Dahil sa kawalan ng sapat na pambayad sa mga bayarin sa ospital, sa pakiwari tuloy ni Rando ay parang na-hostage ang kanyang mag-ina.
“Masyado naman silang malupit…” pagtatagis ng mga bagang niya sa pagngi-ngitngit.
“Ganu’n talaga, e… Negosyo na rin ngayon ang turing ng mga may-ari sa kanilang ospital,” paghihimutok ni Leila.
“Kailangan kong gumawa ng paraan…” si Rando, kunot-noo.
“Mahal, konting lamig, ha?” agap ni Leila na pumisil sa kanyang braso.
Hinagkan niya sa noo ang asawa. Dinampian din niya ng halik sa pisngi ang sanggol na batang babae.
Kinabukasan, maagang umalis ng bahay si Rando. Wala siyang direksiyon kung saan patutungo. Blanko ang isipan kung kanino siya makapangungutang ng malaki-laking halaga. Binalak niyang lumapit kay Mr. Rojavilla. Pero sa huli’y nagdalawang isip siya. Kilala kasi niyang masyadong magulang ang dati niyang manager sa boksing-kalye. Maaaring magpautang ito ng malaking halaga pero tiyak na may kapalit agad iyon, ang pagsasalang sa kanya sa ruweda.
Nakarating ang paglalakad-lakad niya sa lugar ng ensayohan ng mga kalalakihang lalahok sa paligsahan. (Itutuloy)
ni Rey Atalia