HINDI pa man natatapos ang kaso na kinakaharap ni Vice Pres. Jejomar Binay sa “overpriced” umanong pagtatayo ng Makati City Hall Parking Building, heto na naman ang bagong isyu ng overpricing kaugnay ng renobasyon ng isang hotel.
Ayon sa abogadong si Renato Bondal, alkalde pa si Binay ng Makati noong 2002 nang ipag-utos daw ang renobasyon ng tatlong gusali na itinakda bilang housing project para sa mahihirap ng lungsod.
Ang naturang mga gusali raw ay ang kilala ngayon na Makati Friendship Suites, isang proyekto na ginawa sa halagang P242 milyon. Ang masaklap, overpriced umano ito ng P195 milyon samantala batay sa construction manual ay P47 milyon ang halaga ng pagpapaayos nito. Ddahil lagpas ang proyekto sa limitasyon na P50 milyon ay pasok na naman daw ito bilang kasong plunder o pandarambong laban kay Binay.
Isiniwalat din ni Bondal na patutuluyin ng gobyerno ng Makati sa Friendship Suites ang mga opisyal ng mga kalapit lungsod nang libre, upang mapalawak daw ang agwat ni Binay sa kanyang mga kalaban sa politika nang milya-milya. Hindi naman daw tumatakbo ang Friendship Suites bilang hotel na nagpapasok ng pera para sa gobyernong lokal.
Akalain ninyong ang mahihirap na dapat daw nakatira rito ay itinapon noong 2009 sa Makati Homeville sa Calauan, Laguna at kung saan-saan pa. Bagamat nagkakahalaga ng P1 bilyon ang relocation site sa Laguna ay wala umano itong koryente, tubig, karamihan ng bahay ay mahinang klase, at walang trabaho o pagkakabuhayan ang mga residente.
Wala rin silang hawak na titulo sa lupa na kanilang tinitirhan. Ang ibang kabataan ay pumasok na nga raw sa prostitusyon para lang makakain at mabuhay.
Ilang residente ng Makati Homeville na kasama ni Bondal na dumalo sa pagdinig ng Senado ang nagreklamo sa hirap ng pamumuhay sa kanilang nilipatan.
Isa rito si Domingo Arcilla, na nagbunyag na inireklamo ng mga residente kay Binay ang sitwasyon at sinabihan daw sila nito na, “Binigyan na kayo ng lupa, gusto n’yo pa ng bahay?”
Ito ang bagong mga akusasyon ni Bondal sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa mga isyu ng korupsiyon laban kay Binay noong Huwebes, na dapat lang silipin din ng Senado.
Sa totoo lang, mga mare at pare ko, dati na rin tayong nakatanggap ng sumbong sa text tungkol sa pangako na binitiwan daw ni Binay noon na sa mahihirap na magiging kanila ang kanilang tinitirhan pagkalipas ng ilang taon.
Pero sa kabila ng pangakong ito ay pinalayas pa rin daw sila sa pabahay na parang mga hayup na pinakawalan sa gubat, na walang katiyakan kung mabubuhay ba o hindi.
Manmanan!
***
SUMBONG: “Dito po sa Hinigaran Neg. Occ. at sa kalapit na bayan, gayon din sa Bacolod City, talamak po ang droga. Ang pangalan po ng mga pusher Motok, Onebol, Batong at marami pa. Sana po masugpo na sila.”
***
TEXT 0946-8012233 para sa inyong mga sumbong, puna at reklamo.
ni Ruther Batuigas