MAGSISIMULA sa susunod na linggo ang paghaharap nina PBA commissioner Chito Salud at board chairman Patrick Gregorio sa apat na natitirang kandidato para sa puwestong iiwanan ni Salud sa pagtatapos ng 40th season ng liga.
Ang apat na natitirang kandidato ay sina Chito Narvasa, Vince Hizon, Jay Adalem at Rickie Santos habang tinanggal na sa listahan sina Mark Fischer at Danny Seigle.
Umatras naman si Charlie Cuna dahil ayaw niyang isakripisyo ang kanyang pagiging ama sa dalawa niyang batang anak para lang maging komisyuner.
Naunang hindi isinama si Narvasa sa listahan dahil ayon kay Gregorio, may kaunting problema ang PBA board tungkol sa pagiging pangulo ni Narvasa sa isang bangko ngunit ito’y inayos kaagad.
Si Narvasa ay dating coach ng Shell at Purefoods sa PBA at naging komisyuner na siya ng UAAP basketball dati, bukod sa pagiging pangulo ng Basketball Coaches Association of the Philippines.
Dating kandidato si Narvasa sa pagiging komisyuner noong 2003 nang nagretiro si Jun Bernardino ngunit natalo siya kay Noli Eala.
Magpupulong uli ang PBA board sa Abril 30 kung saan haharap ang apat na kandidato sa mga miyembro ng lupon.
“Part of that is we will request them (apat na kandidato) to present their plans and vision for the PBA. They will be interviewed by the board starting 11 a.m. Then they will be given 15 minutes each to make the presentation, then another 15 minutes for the question and answer,” wika ni Gregorio.
Ang mapipili sa apat ay magiging deputy muna ni Salud sa Governors’ Cup bago siya tuluyang maging bagong komisyuner sa bagong season ng PBA na magbubukas sa Oktubre.
Si Salud naman ay magiging pangulo at chief executive officer ng liga.
(James Ty III)