KAILANGAN NI RANDO NG P25,000 PARA SA CAESARIAN OPERATION NG ASAWA
“Bakit po?” aniyang gulat.
“Baka manganganak na, e nakahalang daw ang bata sa tiyan ng misis mo…” pagbabalita pa ng kapitbahay.
Sumagsag si Rando sa ospital na nasa sentro ng kabayanan. Sabi ng nakatalagang nurse sa Nurse Station, ipinasok na si Leila sa operating room. Naroon na rin daw ang serohanong magsasagawa ng operasyon sa misis niya. Kinakailangan muna umano ang kanyang pagsang-ayon bago ang pagbusbos sa tiyan nito. At siyempre pa, dapat daw muna siyang magdeposito ng downpayment sa kahera ng ospital.
Nagpunta siya sa OR at magalang na nagpakilala sa naroroong doktor bilang mister ng pasyenteng si Leila. At doon nga nakumpirmang magsisilang ang asawa niya ng kanilang anak na pitong buwan pa lamang ang gulang.
“At kailangan ma-caesarian ang asawa mo… Abnormal kasi ang posisyon ng sanggol sa kanyang sinapupunan,” sabi sa kanya ng doktor na walang anumang ekspres-yon ang mukha.
“Sige po, doc, gawin n’yo kung ano ang nararapat…” aniya sa pagkakagat-labi.
Isang dokumento ang nilagdaan niya. Patotoo iyon na payag siyang busbusin ang tiyan ni Leila para sa pagsisilang ng kanilang anak.
Nagtanong siya kung magkano ang magiging bayarin sa ospital.
“Makipag-alam ka na lang sa cashier…” wika ng doktor ng kanyang asawa.
Napag-alaman niya sa kahera ng pagamutan na dalawampu’t limang libo ang bayad sa pagpapaanak sa isang inang isasalang sa operasyon. Puwera pa roon ang magiging gastos sa mga gamot at iba pang pa-ngangailangan ng mag-inang pasyente. At sampung libong piso ang halagang dapat niyang ilagak sa kahera bilang downpayment.
(Itutuloy)
ni Rey Atalia