Sa dalawampung taong pakikipagbakbakan ni Manny Pacquiao sa loob ng ring, lumaban siya para sa mga Pilipino na masugid na sumuporta sa kanya.
Inilunsad ng ABS-CBN ngayong linggo ang Isang “Bayan Para Kay Pacman”, isang kampanya na nanawagan sa lahat ng Pilipino na hindi lang sumuporta ngunit maging lakas mismo ng Pambansang Kamao.
Nais ipakita at ipaalam ng Kapamilya network na sa 100 milyong Pilipino nagmumula ang lakas ng tinaguriang People’s Champion. Sa bawat bira nito ng kanyang tanyag na kaliwa, naroon ang pinagsama-samang lakas ng buong bayan.
Dahil nalalapit na ang laban niya, nais ng ABS-CBN na mangalap ng mga “suntok” para sa ring idol at ipadama sa kalaban na hindi lang iisang tao ang kalaban niya, ngunit isang bayan, isang lahi, 100 milyong Pilipino.
Maaaring magbigay ng lakas kay Pacman sa pag-tweet, o pag-post sa Facebook at Instagram gamit ang #OneForPacman na hashtag. O kaya naman, pumunta sa oneforpacman.abs-cbn.com at maki-suntok sa interactive punching bag sa website.
Hindi lang iyan, kasama sa kampanya ang panghihikayat sa taong bayan na panoorin ang pinagmulan ng pinakatanyag na Pilipino ngayon noong di pa siya kilala. Ang pelikulang “Kid Kulafu” na handog ng ABS-CBN, Star Cinema at Ten17 Productions sa ilalim ng direksyon ni Paul Soriano.
Hindi na sapat ang pag-cheer lamang. Oras na para umaksyon.
Panahon na para maging Isang Bayan Para Kay Pacman.