Kinalap ni Tracy Cabrera
NAIBENTA ang ginamit na iPad ni Pope Francis sa halagang US$30,500 sa subastang ginawa sa isang auction house sa Urugay kamakailan.
Ayon sa Montevideo-based auction house na Castells, itinawag lamang sa pa-mamagitan ng telepono ang winning bid.
Binigyan ng spotlight ang nasabing iPad ng lokal na media nitong nakaraang taon.
Ibinigay ang iPad ng santo papa—kasama ang label na His Holiness Francis at Vatican certificate of authenticity—sa isang paring taga-Uruguay bilang regalo.
Humantong ito bilang donasyon sa isang lokal na eskuwelahan na pinanga-ngasiwaan ng nabanggit na pari bago sinubasta para makalikom ng pondong gagamitin para sa charity.
Naalala pa ng paring taga-Uruguay, na kinilalang si Fr. Gonzalo Aemilius, ang bilin sa kanya ni Pope Francis: “May you do something good with it.”
Tatlong buwan makalipas dumalaw sa Filipinas, umani ang santo papa ng 87 porsyentong trust rating sa mga Pilipino, batay sa survey na isinagawa ng Social Weather Stations.
Sinabi ng polling firm na ang trust level ay nagpakitang si Francis ang pinakapinagkakatiwalaang papa ngayon, na labis pa kay Saint John Paul II, na dumalaw din sa Fi-lipinas noong 1981 at 1995.