Sa ikaapat na araw, isang mangingisdang namamalakaya ang gumaod nang gumaod palapit ng isla. Pagsadsad ng bangka sa mabuhanging dalampasigan, sagsag na itong nagtatakbo sa kapatagan, nakatanaw sa pabrika at sumisigaw-sigaw ng “tao po … tao po r’yan!”
Si Aling Adela ang unang nakarinig sa mangingisda. Binuntutan agad ni Mang Pilo sa paglabas ng karinderya. Sinundan naman ni Gardo ang bisor.
“Bakit po?” usisa ni Aling Adela sa mangingisda na humihingal pa sa paghangos.
“May nakita akong bangkay sa tabing-dagat… Baka kakilala n’yo,” ang tugon ng mangingisda.
“’Asan po, Tata?” usisa naman ni Mang Pilo sa matandang lalaki.
“Hayun…” pagngunguso nito sa bangkang gamit sa pangingisda.
Nakalagak sa loob ng bangka ang wala nang buhay na babae, nasa edad disiotso o beinte lamang ang edad. Tinunghayan iyon ni Aling Adela.
“Ay, ‘Susmaryosep…” ang tili nito sabay talikod sa itsura ng bangkay.
Maga na ang mukha ng bangkay ng babae. May mga pasa sa magkabilang hita at kulay-talong ang isang bahagi ng pisngi. At walang saplot na pang-ibaba.
“Si Carmela ‘to,” pagtukoy ni Mang Pilo sa pangalan ng nakilalang biktima.
Nabitin ang paghinga ni Gardo nang humakbang sa kinadadaungan ng bangka. Nanghilakbot at nagmistula itong kandilang nauupos sa pagkakatayo. Nagtagis ang mga ngipin nito sa pagpipigil ng luha sa mga mata.
“Ano po’ng nagyari sa kanya?” ang nai-bulalas ng binata na umiibig sa dalaga.
“Posibleng na-reyp o pinagtangkaang reypin ang biktima. Sa malayong lungsod pa pwedeng ma-awtopsiya ang bangkay nito,” ang sagot ng matandang lalaking mangingisda.
“Nangangamoy na… Dapat na itong mailibing,” pagtatakip ng panyo sa ilong ni Mang Pilo. “At bukas na bukas din, ipa-rarating ko ang nangyari sa kanyang pa-milya.”
(Itutuloy)
ni Rey Atalia