MARAMI ring ‘what ifs?’ para sa Meralco sa nakaraang best-of-five semifinals series nito kung saan nawalis ang Bolts ng Rain Or Shine, 3-0.
What if hindi dumaan ng overtime ang Bolts sa Game Two ng quarterfinals series laban sa NLEX at magaan nilang tinalo ang Road Warriors? Baka napaghandaan nilang mabuti ang Game One ng semifinals kontra sa Elasto Painters.
What if hindi nagtamo ng shoulder injury ang kanilang import na si Josh Davis bago nagsimula ang Game Three?
What if healthy din si Jarede Dillinger sa serye?
Baka hindi nawalis ang Bolts.
Baka.
Hindi natin sinasabing makakaabante ang Meralco sa best-of-seven championship round dahil sa natapat naman sila sa number one team ng torneo matapos ang elimination round.
Kung tutuusin, sumisid ang Meralco sa dulo ng elims matapos na mapanalunan ang unang limang laro nito. Nahirapan na rin sila kontra sa mga nakatapat nila dahil nakabisado na rin si Davis.
Ang maganda nga lang para sa Bolts ay hindi sila sumuko nang basta-basta sa Game Three dahil kahit na wala silang import ay nakapagbigay sila ng magandang laban at lumamang pa nga sa halftime. Kinapos na lang sila sa firepower.
Kaya naman sa isipan ng Bolts, magandang experience para sa kanila ang kanilang kauna-unahang pagkakataong makarating sa semifinals series. Kahit paano ay tumaas ang kanilang morale papasok sa Governors Cup.
Kung makakakuha sila ng matinding import at Asian reinforcement, malamang sa maulit nila ang pagpasok sa semifinals.
Kahit paano ay iba na rin ang nasa kanila ang ‘Black Magic” ni coach Norman!
ni Sabrina Pascua