DUMATING SIYANG WALA SI MISIS DAHIL ITINAKBO SA OSPITAL
“Mukha naman kasing okey ‘tong pagbubuntis ko…” ang tugon ng kanyang asawa.
“Teka, regular ka bang nakapagpapa-check-up sa doktor?” si Rando, napakunot-noo.
“Kay Ka Iska ako nagpapaalaga… At siya na rin ang magpapaanak sa akin,” ang sabi ni Leila.
Kilala ni Rando si Ka Iska bilang isang mahusay na hilot. Marami na siyang naserbisyohang mga kababaihan sa kanilang lugar. Sa pagkakaalam niya, lahat naman ng naging isang ina sa pangangalaga niya ay maayos na nakapagsilang ng anak.
Natahimik ang kanyang kalooban. Ilang bloke lamang ang layo ng tirahan ni Ka Iska sa kanilang bahay. May agarang malalapitan ang asawa niyang si Leila anumang oras na humilab ang tiyan sa pagluluwal ng kanilang supling.
Nadaanan niya sa madamong bahagi ng plantasyon ang mga kalalakihang nagpapakondisyon ng katawan bilang pagha-handa sa nalalapit na kompetisyon.
Pinagtambal-tambal ni Mang Emong ang sampung kalalakihang nagpalista sa paligsahan. Ginawang dalawang grupo iyon, Team A at Team B. Tig-lima ang isang grupo. Isasabak ang miyembro ng Team A sa Team B. At ang lahat ng magwawagi ay paglalaban-labanin muli.
“Sa susunod na linggo ay sisimulan na ang eliminasyon. At kung sino ang magwawagi sa pangkalahatan ay siyang itata-pat sa kasalukuyang kampeon,” pag-aanunsiyo ng katiwala ni Don Brigildo sa mga tauhang sakada.
Ginabi si Rando sa trabaho sa tinatawag “over-tawad” ng mga sakada ng plantas-yon ng tubo. Wala si Leila sa kanilang bahay. Dinatnan niyang nakakandado ang kanilang pintuan.
“Isinugod ni Ka Iska sa ospital ang misis mo,” sabi kanya ng isang babaing kapitbahay na dumungaw sa bintana. (Itutuloy)
ni Rey Atalia