ni ARABELA PRINCESS DAWA
HINABLOT ni GM Wesley So ang solo third place matapos manalo sa 11th at last round ng katatapos na 2015 U.S. Chess Championship sa Saint Louis USA.
Pinaluhod ni world’s No. 8 So (elo 2788) si GM Kayden Troff (elo 2532) matapos ang 44 moves ng Queen’s Pawn Game upang ilista ang 6.5 points.
Kumana ng anim na panalo, apat na talo at isang tabla si So sapat para ibulsa ang $20,000 na premyo sa event na may 12-player at ipinatupad ang single round robin.
Si top seed GM Hikaru Nakamura (elo 2798) ang nagkampeon matapos pisakin si GM Alexander Onischuk sa 31 sulungan ng Scotch Game.
Nakaipon si Nakamura ng 8 points para isubi ang $45,000 top purse habang nakopo ni GM Ray Robson ang second place na may 7.5 pts. at iuwi ang $30,000 na premyo.
Lumagapak sa pang-apat na puwesto si Onischuk tangan ang anim na puntos habang ang defending champion na si GM Gata Kamsky ay kasalo sina world’s youngest grandmaster Samuel Sevian, GM Varuzhan Akobian sa fifth to seventh place na may tig 5.5 pts.
Samantala, kahit sinulong ni So ang dalawang sunod na panalo sa penultimate at last round at nakuha ang third spot ay babagsak pa rin ang kanyang elo rating points dahil sa apat na kabiguan.
May 12.5 puntos ang mababawas sa kanyang rating at maaari siyang bumaba sa No. 9 sa world ranking pagpasok ng buwan ng May.
Subalit may pagkakataon pa naman si So na makabawi kung maganda ang kalalabasan ng kanyang laro sa susunod na tournament na kanyang lalaruan.
Nakatakdang lumaro si So sa super tournament na Gashimov Memorial 2015 sa Shamkir Azerbaijan sa April 17 hanggang 26.
Makakalaban ni So sina reigning world champion GM Magnus Carlsen (elo 2863) ng Norway at former world champions GMs Viswanathan Anand (elo 2791) ng India at Vladimir Kramnik (elo 2783) ng Russia.
Ang ibang kalahok ay sina world’s No. 2 GM Fabiano Caruana (elo 2802) ng Italy GMs Anish Giri (elo 2790) ng The Netherlands, Maxime Vachier-Lagrave (elo 2762) ng France, Michael Adams (elo 2746) ng England at Shakhriyar Memedyarov (elo 2754) ng Azerbaijan.