BUO ANG PASYA NI RANDO NA ‘WAG SUMABAK SA RUWEDA PERO…
“Pa-bale-bale muna… pautang-utang sa mga kamag-anak o kakilala,” ang tugon ng matandang lalaki.
Napakamot sa ulo si Rando.
Pag-uwi ng bahay, karakang napansin ni Rando ang pagtutop-tupok ni Leila ng mga palad sa magkabilang balakang nito. Halatang may iniinda ito sa katawan nang dulutan siya ng mainit na kape sa puswelo. Lumagok lang siya nang konti niyon. Pinaupo niya sa bangko ng kanilang mesang kainan ang asawang mapintog ang laki ng ti-yan sa pagdadalantao.
“Kelan ba ang labas ng beybi natin?” pag-uusisa niya.
“Baka mga dalawang buwan pa…” tugon ni Leila. “Pero panay na ang hilab, e…”
“Stedi ka lang d’yan…” aniya sa asawang napapangiwi-ngiwi ang mukha.
“Hindi pa ako tapos magluto,” pagngunguso ni Leila sa kawaling nakasalang sa de-bombang kalan.
Ipinagpatuloy niya ang pagpiprito sa ilang piraso ng galunggong. Iginisa niya sa bawang at sili ang bagoong. Tapos, naglaga siya ng apat na pirasong talong.
Nang makakain ng hapunan, pinagpahinga niya si Leila sa kanilang kuwarto. Sa pag-aalala na baka mapaaga ang panga-nganak nito, kinuha niya sa ilalim ng higaang papag ang alkansiyang bumbong. Medyo mabigat-bigat na ang laman niyon na mga salaping papel na tig-beinte pesos, maningkwenta, dadaanin at tig-sampung pisong bagul. Noon pa niya sinimulan na mag-ipon nang mapag-alamang nagdada-lantao na ang asawa sa kanilang magiging panganay na anak.
Binilang ni Rando ang laman ng alkansiya. Mahigit sa dalawang libong piso pa lang ang kabuuang halaga niyon.
“Magkano ang singil d’yan sa malapit na lying-in clinic?” usisa niya kay Leila.
“’Di ko alam, e…” anito sa pagbiling ng mukha sa kanya. “Pero sa hilot, mga ‘sanlibo lang siguro.” “Sa bahay ka lang manganganak?” naitanong niya. (Itutuloy)
ni Rey Atalia