MULING ibabalik ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang FIBA 3×3 ngayong taong ito sa tulong ng Talk n Text.
Sa lingguhang forum ng Philippine Sportswriters Association (PSA) noong Martes sa Shakey’s Malate, sinabi ng marketing head ng Smart Sports na si Chris “Ebok” Quimpo na magsisimula sa Abril 18 ang Talk n Text Tatluhan sa Cagayan de Oro City.
Tatagal ng 18 legs mula Luzon hanggang Mindanao ang torneo at ang national finals ay gagawin sa Metro Manila kung saan ang magiging kampeon ay isasabak ng bansa sa FIBA Asia 3×3 qualifiers na gagawin mula Agosto 1 hanggang 2 dito rin sa Pilipinas.
Noong isang taon ay nagkampeon sa unang TNT Tatluhan ang Team Naga City na pinangungunahan nina Joshua Ayo, Raphael de Vera, Karl Estrada at Adoniz Nismal.
“We’re giving young players the chance to achieve their dreams through the TNT Tatluhan,” wika ni Quimpo. “This is under the grassroots development program of the SBP. 3×3 basketball does not require anyone to join, as long as may birth certificate to prove that the contestant is within the age limit.”
Sinabi rin ni Quimpo na apat na koponan ang isasabak ng Pilipinas sa FIBA Asia 3×3 qualifiers, dalawa rito ay mula sa PBA tulad noong isang taon.
Matatandaan na nagkampeon sa FIBA Asia 3×3 Manila leg ang Manila West na pinangunahan nina KG Canaleta, Aldrech Ramos, Rey Guevarra at Terrence Romeo.
Tumungo sila sa Japan upang sumali sa FIBA 3×3 World Tour kung saan nakapasok sila sa quarterfinals ngunit natalo sila sa Team Novi Sad ng Serbia na nagkampeon sa torneo.
“We also plan to invite Kobe Paras to come back and join the FIBA Asia 3×3,” ani Quimpo. “Regarding the champion team Manila West, we will try to bring them back for a title defense depende kung papayagan uli sila ng mother teams nila. We will also ask the PBA to send another team this year. Mas magiging competitive ang 3X3 because Australia and New Zealand are also competing.”
ni James Ty III