James Ty III
MAY haka-haka kami sa biglang desisyon ng ABS-CBN na pansamantalang sibakin ang The Buzz pagkatapos ng halos 16 taon sa ere.
Kilala kasi ang The Buzz bilang numero unong showbiz talk show sa telebisyon at sa tagal-tagal nitong panahon ay dinomina nito ang mga kalabang talk shows.
Ngunit sa mga nakalipas na buwan ay tila parang wala nang interes ang mga tao na manood ng mga talk show.
Sa aming obserbasyon, ang problema kasi sa The Buzz ay overexposed na ang mga host na sina Kris Aquino, Boy Abunda, at Toni Gonzaga dahil may iba silang shows sa Dos.
At ang The Buzz ay tila weekly version ng Aquino and Abunda Tonight na halos pareho ang mga isyung pinag-uusapan.
Bukod pa rito, may ASAP si Toni tuwing Linggo ng tanghali at sandali lang ang kanyang pahinga dahil may The Buzz pa siya.
Isa pa, ang The Buzz ay nagiging behikulo para sa promo ng mga bagong movies ng Star Cinema at ang mga bagong TV shows ng Dos.
Pero ang mas matindi, tila takot ang Kapamilya Network dahil sa napipintong pagbabalik ni Willie Revillame sa telebisyon sa pamamagitan ng kanyang bagong game show na Wowowin sa GMA na magsisimula sa Abril 26.
Dapat sana ang Wowowin ang itatapat ng GMA sa ASAP ng Dos ngunit dahil malaki raw ang respeto ni Willie sa ASAP ay mas pinili niya ang pang-hapong oras na katapat sana ng The Buzz.
May nasagap kaming tsismis na balak ng ABS na bigyan ng talk show ang magkapatid na Toni at Alex Gonzaga pero sa tingin namin ay magiging gaya-gaya ito ng The Buzz.
Sa ngayon, mga pelikula ng Star Cinema muna ang mapapanood sa Dos tuwing Linggo ng hapon katapat ang Wowowin at InstaDad ni Gabby Eigenmann sa GMA at ang mga laro ng PBA sa TV5.
May posibilidad na ilagay ang mga laro ng NBA tuwing Linggo ng umaga sa Dos at ilipat ang ASAP sa ala-una ng hapon katapat ng Sunday All-Stars ng GMA.
Ang pagkawala ng The Buzz ay senyales na unti-unting nawawalan ng asim ang mga showbiz talk shows sa telebisyon. Sang-ayon kami sa sinabi ni Tito Boy na nagbabago na ang panlasa ng mga manonood ng telebisyon at mas nais na panoorin ng mga tao ang ibang klaseng TV show.
Ang masakit, mas mataas ang rating ng mga pelikulang dubbed sa Tagalog ng GMA kaysaThe Buzz.